Alam ko...
Alam ko na hindi ako sinusundan
ng buwang tila sinusubaybayan
ang pagkilos ko't paglakbay ko kung saan-saan.
Alam ko...
Alam ko, na iilan
sa atin ang inaakalang
noong kanilang kabataan,
na sila'y sinusundan...
na sila'y pinagmamasdan--
na sila'y tilang nginingitian
ng mahiwagang buwan.
Katangahan...
Dahil ang totoo'y hindi naman...
Alam ko..
Alam ko, na iilan na
ang insektong nawalan nga
ng mga pakpak dahil sa
mainit at nang-aakit na lampara.
Na tila bang sinasambit sa kanila na:
"Halika, halika."
"Hindi kita sasaktan, ako lang ay iyong lapitan. Halina."
"Ipadama ko sa'yo ang kaluguran na hindi mabibigay ninoman, halika."
"Masdan mo ang alindog at ganda, Halika..."
"Lumapit ka, halika."
"Sunugin mo sarili mo sa akin, lumapit ka."
Kapani-paniwala...
Napaniwala tuloy sila...
Alam ko...
Alam ko, na sa bawat sambit ko
ng mga salitang naririto
sa munting tulang isinulat ko,
ay maalala ng aking wasak na mundo...
ng aking malamig na puso,
kung paano mo
hinayaang madurog ako.
Sa mga paraan na hindi mo namalayang nadudurog na ako.
Alam ko...
Alam ko na minsan
na ako pinaasa ng buwan,
na kunwari ako ang kanyang tinitingnan;
na para bang sa akin lamang
ang kaniyang matatamis na ngiti--
kahit hindi naman ako ang kanyang nginingitian.
Kunwari'y ako lang ang nasa kanyang isipan,
Kunwari'y wala siya sa kalawakan,
Kunwari'y wala siyang mundong iniikutan.
Kunwari lamang...
Alam ko...
Alam ko ang sakit
na binibigay ng lamparang nang-aakit
sa mga inosenteng insekto
na nais lang lumapit.
Lumapit...
Nais nilang lumapit
hindi upang madama ang pait
na mawalan ng pakpak na maliliit;
Nais nilang lumapit,
hindi upang mamatay sa init;
hindi upang sumabit,
masunog, maipit,
habang patuloy na kumakapit...
Sa nagngangalit
na lamparang nang-aakit.
Alam ko...
Alam kong nais lamang nilang makamit
ang pangakong sinambit,
na tila abot langit
ang kaligayahang walang kapalit
ay kanilang makakamit,
kung sila'y lalapit.
"Tila"... kapatid ng salitang "Parang"...
Ang mga salitang masarap sana
maramdaman, maranasan, at makita
ay tuluyang nasisira
ng mga salitang tulad ng "tila"
Hanggang ilusyon lamang ang salitang "tila".
TANGA.
NANIWALA KA.
Buong akala ko...
Na tapos na ang mga araw na naging tanga ako
noong nalaman ko ang totoo
tungkol sa buwan na minsan nang pinaasa ako.
Ngunit, nagawa ko pa rin ang magpakatanga at umasa sa'yo.
Buong akala ko...
Buong akala ko ngayon na malaki na ako,
Buong akala ko ngayon na may isip na ako,
ay hindi ako matutulad sa mga insektong bobo
na dahil sa maluwalhating ilaw ay madaling naloko.
Oo.
Tao nga ako, pero kasing uto-uto
naman ako tulad ng mga insekto...
lalo na pagdating sa'yo.
Alam ko...
Alam kong kahit na ang ginawa mo saki'y napakasakit,
Alam ko rin na wala kang ginawang kahindik-hindik;
Wala ka naman ginawang pangit, masama o malupit...
Sadyang masyado ka lang mabait.
Masyadong kang mabait.
Masyadong kang mapagkunwari.
Masyadong kang maalaga
sa taong tulad ko na kaibigan mo lang pala.
don't me po kuya...
Masyado akong uto-uto.
Masyado nga akong hangal.
Masyadong tanga.
Hindi ko alam kung ano ako sayo,
at kung sino ka nga ba talaga;
Kung ano tayong dalawa.
Pero baka...
pinaglalaruan lang tayo ng tadhana
o ang shunga ko lang talaga.
Tama.
Ako. Ako ang shunga.
Ako ang tanga.
Ako ang may mali.
Dahil alam ko...
Sa simula pa lang ng lahat ng ito...
Alam ko...
wala ka namang binitawang direktang salita
para umasa ako sa'yo
Alam kong...
Wala namang sinabi ang lampara.
Ang insekto lang naman ang may akala...
ang insekto lang naman ang may hinuha...
At ako lang naman ang may gawa-gawa
ng lahat ng pangako mong napako na.
Sadyang masyado ka lang ata maaruga,
at lagi mong pinaparamdam sa'kin na
ang mga pangako mo'y sinasabi ng iyong gawa.
Tanga, tanga, tatanga-tanga, tanga...
Alam ko...
Alam kong walang 'tayo'
Alam ko rin na may iba kang gusto,
At alam kong nadudurog pa rin ako.
Pero ngayon...
Alam kong tanga ako.
Alam kong bobo nga ako.
Alam kong wala akong alam. At 'yon ang totoo.
Maging ganoon pa man...
Alam ko...
Na ang unang hakbang sa pagiging matalino,
sa kahit anong larangan sa mundo,
ay ang pag-amin na ika'y walang-alam dito.
Sa pagiging matalino...
Dapat alam mo sa sarili mo
na marami ka pang hindi alam,
marami ka pang hindi natutuklasan,
ngunit kahit ganoon
ay alam mo ang mga katotohanan.
Alam ko...
Alam kong nadudurog pa rin ako,
kaya alam kong kailangan kong
ayusin ang sarili at pagkatao ko.
Alam ko...
Alam kong mahal kita,
Alam ko sa sarili ko na ako'y nagpakatanga.
Pero ititigil ko na.
Hindi na ito tama.
Alam ko...
Alam kong may kapangyarihan ang katotohanan,
Alam kong may kapangyarihan ang pagtanggap at pag-amin.
Alam kong hindi na kita kailangan pakawalan
dahil kailanman... hindi ka naging akin.
Masakit aminin sa sarili.
"But the truth will set you free."
This will set me free.
Masakit ang kalimutan ka...
At masakit bitawan ang mga ala-ala natin,
Pero alam ko... na susunod na pahina,
--kahit hindi ko pa man ito basahin o silipin,
Alam kong sa susunod na kabanata,
nakaabang ang isang taong
nararapat para sa akin.