Launchorasince 2014
← Stories

Asymptote

Sa Math lesson namin kanina, ang asymptotic line ay unti-unting lalapit sa x-axis or y-axis, pero hindi kailanman magtatagpo o magdidikit. Habang dini-discuss iyan ni ma'am Sobremido, bigla kitang naalala.

First day of school, ikaw agad ang nakatabi ko. Napakatahimik mo no'ng mga sandaling iyon, at napakamahinhin. Patuloy kang nakukuha ng mga mata ko sa tuwing ako'y mapapatingin sa iyong direksyon, at nagkakaroon ng mga sandaling nagkakatitigan tayo ng mata sa mata ng ilang segundo, dahilan upang mas lalo akong mailang.

Second day of school, bigla mo 'kong kinausap. Ang ganda pala ng boses mo. Bakit kaya hindi mo na lang ako kausapin nang kausapin no'ng mga araw na 'yon para tumatak 'yong mga pinakauna mong sambulat sa akin? Tinanong mo sa akin no'n, "May ballpen ka?"

Isang linggo na'ng makalipas, hindi mo pa rin binabalik 'yong ballpen na hiniram mo. Pero nahiya akong alalahanan ka no'n, kaya nama'y bumili na lang ulit ako ng isa pang ballpen. Nalaman ko ang pangalan mo no'n nang tawagin ka ng professor natin na ngayon lang pumasok magkalipas ang isang linggo. Olivia, pitpng letrang nanatiling nakatatak sa utak ko sa mga saglit na 'yon. Ginusto ko pang kilalanin ka, Olivia. Ginusto ko pa.

Isang buwan ang makalipas, nagkatunggali tayo sa isang debateng aktibidades ng prof. natin sa Philippine Literature. Ang galing mo palang magbitiw ng mga argumento na pati mga kaklase natin ay nakukuha at napapatango mo. Pinilit ko rin namang ipaglaban ang punto ko, ngunit sa huli ay ikaw ang nagwagi. Nagpalakpakan ang mga kaklase natin, at lumapit ka sa akin at iniabot ang kamay mo. Nakipagkamayan ako — at iyon ang pinakaunang beses na nahawakan ko ang mga malalambot mong kamay.

Dalawang buwan ang makalipas, magkaibigan na tayo no'n. Lagi tayong sabay na kumain sa paborito nating silugan sa loob campus. Sabay tayong gumawa ng mga takda, o kaya nama'y nagpapakopya ka and vice-versa. Sabay tayong lalabas ng gate, magbaba-bye, maglalakad ng magkaibang direkyon pauwi. Nagkakausap na rin tayo ng higit sa minsan. Lagi kang nagbubukas ng mga pagkakausapan, tulad ng mga polisiya sa ekwela na inis na inis ka; tulad ng mga crush mo sa campus na kilig na kilig ka habang dinedetalye; tulad ng mga lesson natin na gusto at ayaw mo. Sa mga malalalim na usapan palang ay naramdaman ko na, na pati ako ay nagkakaroon ng malalim na pakiramdam na hindi ko malaman.

Ikalawang sem, sa unang buwan ng pasukan, natuluyan na ako — natuluyang malaman ang nararamdaman para sa 'yo. Pero pinili ko 'tong itago alang-alang sa pagkakaibigan natin dahil alam kong magiging bigo ako sa pagkakataon. Normal lang ang lahat, kahit na pinilit kong maging normal ang lahat. Lagi mo pa rin akong kinakausap. Lagi mo pa rin akong sinasabayan. Lagi mo pa rin akong dinidikitan. Lagi mo pa rin akong pinapatawa ng mga corny mong jokes. At lagi mo pa rin akong pinapahulog. Hulog na hulog, na sa bawat titig mo sa mga mata ko'y hindi na ako naiilang. Nagkakatitigan tayo't nag-uusap nang higit pa sa bente minuto. Na kahit walang kabuluhan ang mga sinasabi mo'y patuloy lang ako sa pakikinig. Dahil atensyon lang muna ang kaya kong ibigay sa 'yo. Iipunin ko muna ang pagmamahal ko bago mo ito madama.

Nagbago ang lahat ng iyon no'ng dumating ang ika-tatlong buwan ng pangalawang sem. Finals week, o hell week natin iyon. Kinausap mo 'ko sa break natin bago ang huli nating subject. May test tayo do'n. Pero habang nagre-review tayo ay bigla mong sinabi na mayroon ka nang boyfriend. Naramdaman kong tumigil saglit ang mundo ko. Naiwan akong tulala habang ikaw naman ay nagtanong. Nagpanggap akong masaya, na may malaking nakapintang ngiti sa aking mga labi habang ang likod nito'y may lumuluhang parang humahagulgol na sanggol. Binati kita ng "Uy! Congrats!" sa pinakakapani-paniwalang paraan para hindi mo makita na binigla mo ang pagpatay sa akin sa loob. Kasunod no'n ay bumalik tayo sa pagre-review. Hell week, nga. Dahil bigla mo 'kong inilaglag sa impyerno.

Ikatlong sem, pinilit kong limitahan ang pagiging malapit ko sa 'yo. Pinilit kong lumayo ng dahan-dahan sa paraang hindi mo mahahalata. Nakita ko rin ang swerteng umangkin sa puso mo. Tila mas bagay nga kayo. Tila mas higit ka pa niyang napapasaya kaysa sa akin. 'Yong mga ngiting ako dati ang kaharap ay sa iba mapupunta. 'Yong mga titig na sa akin dati'y nakatingin ay sa iba na napunta. Kaya pinilit kitang kalimutan, kahit alam kong imposible. Pinilit kitang itakwil, kahit alam kong hindi pwede. Pinilit kitang alisin sa puso ko kahit na masakit. Sobrang sakit.

Pagkatapos kanina ng klase ni ma'am Sobremida, nakita kitang kasama siya. Magkahawak kayo ng kamay. 'Yong inaasam kong mangyari ulit pagkatapos ng ating debate noon. Nilapitan mo 'kong may ngiti at inaya akong sumabay sa kanila at kanyang mga kaibigan sa kumain sa paborito naming silugan. Hindi ako sumama. Baka sa ibang kainan na lang ako, basta malayo sa silugan, pero hindi ko sinabi iyon.

At habang pinagmamasdan kitang lumalayo habang kasama siya, napaisip ako — na kahit anong gawin kong pag-iwas at paglayo, mananatili akong isang linyang palapit nang palapit sa x-axis o y-axis, at kailanman ay hindi kami magdidikit o magtatagpo.