Launchorasince 2014
← Stories

Balik Bayan Box

Milya-milya ang layo mo sa akin ina

Gabi-gabi umaasa ka sa ating pagkikita

Linggo-linggo kung ikaw ay tumawag

Buwan-buwan kung ikaw ay magpadala

Taon-taon akong naghihintay sa sayo

Umaasang sa susunod na balikbayan box ay ikaw na ang may dala

Dadating ka at yayakap

Ngunit sampung taon na

at di pa rin natutupad

ang pangakong pag-uwi sa ating tahanan

Nakatapos na si bunso sa pag-aaral

Nagkaroon na ng bagong bunso si Tatay

Pero Ma' nasan ka na?

Napuno ako ng kalungkutan

Nagliyab ang galit sa aking puso

Kasi Ma' lagi kang wala

Wala ka sa tatlong entambladong minartsahan ko

sukbit ko ang medalyang para sayo

Pero Ma' wala ka

Dahan-dahang dumalang ang pagtawag mo

Tatlong beses na lang sa anim na buwan

At limang minuto ang bawat tawag

Ma' anong nangyari?

Hindi ka sumagot at binaba ang telepono

Naghintay ako muli ng isang taon

Baka naman makauwi ka na

At heto na nga

May tumawag at nagsabing uuwi ka na

Naghanda ako

Niluto ko ang paborito mong Laing

May kumatok

Oo nga Ma' nakauwi ka na

Nakauwi kang kulay ube na ang balat

Puno ka ng pasa

Buhok mo'y marami ng panot

Uso ba yan sa Saudi Ma'?

Papagupit rin ako para match tayo

Pero Ma' bakit di mo sinabi?

Kung nahihirapan ka na

Dadamayan ka namin

Sana umuwi ka ng mas maaga

Dahil Ma' ang hiling ko sayo

na sana sa huling balik bayan box

Ikaw na sana ang may dala

Pero hindi ko hiniling na ikaw ang laman.

Patawad Ma'.