"Please... Huwag muna."
"Ma, ma..."
Napuno ng pagtangis ang malamig na gabi. Sa dakong ibabang palapag ng kanilang tahanan namalagi ang tatlong anyong magkahaharap — isang ginang na yakap-yakap ang nag-iisang anak na lalaki, at isang anyong hindi mo maipalawag; isang anyong hindi marapat na alamin ang pangalan.
"Huwag muna, nagmamakaawa ako." Patuloy na pagsuyo ng ginang. Napaluhod ito't humagulgol, at kung ga'no kalalim ang minataan nila sa gabi'y gano'n din kalalim ang kanyang pagluhod — at ang kanyang dalamhati.
"Pagbigyan mo pa ako ng maraming oras." Patuloy na pagmamakaawa niya sa pigurang halos nakatago sa dilim. Nakaumbok ang kuba nitong patusok, at kahit hindi mo ito halos makita ramdam mo ang lisik ng kanyang mga mata.
"Wala. Ka. Nang. Oras." Putol-putol na sambit ng pigura. Tila pinagsakluban ng langit at lupa ang ginang. Humigpit ang pagkakakapit nito sa anak, astang hindi hahayaan na may mangyari sa kanya.
Nakapagtataka ang katahimikan ng kanyang anak nang mga sandaling iyon, at nang lumingon siya'y nadiskubre niyang unti-unting naglalaho ang kanyang mga bibig. Tila isang sinulatang lapis na binubura ng pinakamatibay na pambura.
"Tapos. Na. Ang. Iyong. Panghihiram."
Taranta, hindi siya magkandahumayaw sa paggalaw. Ginulantang siya ng isang bagay na hindi niya lubusang maintindihan.
Sumunod na naglaho ang kanyang mga mata. Unti-unting binura ang kanyang mga tenga. Sumunod ang labi. At naglaon ay ang buong mukha.
"Babawiin. Ko. Na. Siya. Sa. 'Yo."
Hindi nag-atubiling magsalita ang ginang na nalulunod sa sariling luha. Nang ilang saglit pa'y akap-akap na lamang niya ang mga naiwang damit nang naglaho niyang anak. Pumanhik ito't natuklasang wala na rin ang kwarto nito na tila sinelyuhan ng pader.
"Tapos. Na. Ang. Iyong. Panghihiram."
————
"Kumusta na po siya, Doc?"
"Maayos naman, pero kailangan pa rin natin siyang i-observe. Kailangan ding ipagpatuloy ang kanyang medikasyon."
"May pag-asa pa po bang gumaling ang asawa ko?"
"Mababa ang tsansa. Sa ngayon, advisable na ipagpatuloy na lang niya muna talaga ang medikasyon. Titingan natin kung tataas ang tsansa na siya'y gumaling."
"Sige po. Maraming salamat po."
Anim na buwan na rin ang makalipas nang matagpuan ko siyang nakahandusay at humagulgol sa aming sahig. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ninanais ko siyang gumaling, ngunit pati siya'y hindi niya matulungan ang kanyang sarili. Madalas na umaakyat ng pangalawang palapag at nagdadala ng pagkain sa harap ng isang parte ng pader. Makikita ko siyang bumibili ng mga damit na pambata. Madalas ding kumakain na tila may kausap.
Gano'n na lang siguro ang epekto ng sobra niyang dalamhati. Sadyang napakalungkot niya pa rin sa pagkawala ng aming sana'y anak na lalaking hindi na namataan ang kagandahan ng buhay at mundo.