"Wow!" Isang malakas na sambulat ng batang si Tracy. "Ang ganda naman ng dress na 'to, ate!" Dagdag pa nito habang manghang pinagmamasdan ang mga makukukay na disenyong nakaburda rito.
"Oo, binili ko 'yan kanina. Para talaga sa 'yo 'yan." Pangiting binaggit ng nakatatandang si Mavy. Nakasuot ito ng maganda at makulay rin na damit, at maikling paldang bahagyang tumatalikbong sa makinis at maputi niyang hits. "Binilhan din kita ng mga gamit mo sa eskwelahan, lalo na 'yong sapatos mong dati mo pang sinasabi na nakangiti na." Dagdag pa nito.
"Wow! Oo nga ate, e. Pinagtatawanan kasi ako ng mga kaklase ko kapag nakikita nila 'yong sapatos." Mukmok na pagsabi ni Tracy. "Pero ngayong ay bago na 'ko, hindi na nila ako pagtatawanan!"
"Hayaan mo 'yang mga kaklase mo. Ang mahalaga lang dapat sa 'yo ay ang makapag-aral at makapagtapos ka ng mabuti, ha?" Paalala ni Mavy.
"Opo, ate!" Ngiting pagsagot ng bunso. Biglang nag-ubo si Tracy ng paulit-ulit, at kada-ubo ay lumalala. Nang matapos at matanggal na ang nakadamping puting panyo sa kanyang mga labi, mayroon itong bahid ng makapal na dugo. Nagluluhang tumingin si Tracy sa kanyang ateng nakatulala't halatang takot sa nadiskubre. Ngunit hindi niya hinyaang maluha ng tuluyan ang kanyang kapatid.
"A... Ahm... Wala 'yan!" Sambit nito. "Sus! E ang lakas-lakas kaya ng kapatid ko. Papagalingin ko siya!"
Hindi natigil sa pagluha ng kapatid ni Mavy. Niyakao niya ito ng mahigpit at pinigilan din ang mga luhang nagpupumilit na bumagsak sa kanyang mga mata.
"Hindi ka pababayaan ng ate. Gagaling ka. Mahal na mahal ka ng ate, at gagawin niya ang lahat para bumuti ka."
Natigil sa pag-iyak si Tracy, at humarap ito sa kapatid na may mga ngiti sa labi. "Bakit tayo malungkot? Ang lakas-lakas ko nga, 'di ba?" At nag-mistulang maskulado si Tracy. Parehas silang nagtawanan.
Ilang minuto lang ang nakalilipas ng tawagin ng hindi kilalang tao si Mavy. Matinis ang boses nito na mahahalata mong may edad na.
"Hello." Sagot ni Mavy. "Opo.... Ngayon na?" Dagdag pa nito. "Pero 'di ba.... Akala ko ba.... Sige, sige, magmamadali na lang ako." Nakasimangot na ibinaba ni Mavy ang hawak na cellphone. Agad itong lumapit sa kapatid at nagpaalam.
"Papasok muna ulit si ate, ha? Emergency lang. Kailangan kasi talaga ako ro'n."
"Okay lang, ate!" Sagot ng bunso. "Basta... pasalubong ko, ha!"
"Oo naman! Jollibee!" Sabay kindat ni Mavy sa kapatid. Hinalikan niya ito sa pisngi at tsaka nagpaalam upang pumasok sa kanyang trabaho.
'Di pa nakakalayo sa kanilang tahanan ay parang mga bubuyog na nagbubulungan ang kaniyang mga kapitbahay.
"Siya 'yong bar, 'di ba?" Sabi ng isang ale kausap ang isa ring ale sa isang sari-sari.
"Grabe naman, kung buhay lang mga magulang niya, naku!" Sabi naman ng isang ginang sa harap ng iilan pang mga ginang.
"'Tol, 'yan 'yong anak ni Jeronimo, 'di ba?" Sabi ng isang tambay na nag-iinuman na nadaanan ni Mavy. "Oo, 'tol," sagot ng isa pang manginginom, "Ewan ko ba kung bakit naging ganyan iyan."
Tahimik na nakayukong nagpatuloy lamang sa paglakad si Mavy, hanggang sa maksakay na siya ng isang UV patungo sa kanyang pinagta-trabahuan.
Kung alam lang sana nila kung para saan ang kaniyang mga sakripisyo.
"Oy, Mavy!" Sabi ni Mommy Tanya, ang may-ari ng bar na pinapasukan ni Mavy, "Gaga kasi 'yong tang-inang Pevvy na 'yon, e. Babawasan ko nang sahod 'yong hayop na 'yon." Galit na sambulat ng ginang.
"E, nasaan na ba kasi 'yong customer?" Malumanay na tanong ni Mavy. Sinamahan niya si Mommy Tanya papunta sa mismong looban ng bar. Nagkikinangan ang mga nakasisilaw na ilaw sa madilim na lugar. Marami ang lasenggong tigang ang nagpipiyestahan sa parehas na alak at kababaihan na inihahanda sa kanila. Talamak din ang mga gumagamit ng pinagbabawal na droga, ngunit ang karamihan ng mga nandirito ay mga mayayaman at maykaya — kaya naman ito ang napiling pasukan ni Mavy.
Tinuro sa kanya ang customer na tinutukoy ni Mommy Tanya. Isang makisig na lalaking nakaupo sa bandang sulok ng bar. Mag-isa, nagbabasa sa hawak na cellphone, at halatang mayaman. Pananamit pa lang kasi at tindig ay hindi maikakailang sagana ito sa buhay at pera. Hindi ito kagwapuhan katulad ng ibang nasa loob, ngunit walang pakialam sa pagmumumha si Mavy. May pakialam lanh siya sa makukuha niyang salapi — para na rin sa kanyang kapatid.
Naglagay siya ng bahagyang kolorete sa mukha, nagsuot ng manipis na pananamit, at naghanda sa kung ano man ang nanaisin ng lalaki. Lumabas ito sa maliit na pintuan patungo sa lalaki. Naglakad siya ng malambot, na animo'y hindi mo maiisip na siya'y isang ate na may kapatid na may sakit. Buong kumpiyansa niyang nilapitan ang lalaki, umupo sa tabi, at ngiting binati ng "Hi."
Tiningnan lang siya ng lalaki. Ngumiti ito. Binatawan ang hawak na cellphone, at agad na pumatong ang mga kamay sa mala-hiyas na hita ni Mavy.
Naramdaman ni Mavy ang magaspang na mga palad ng lalaki. At kahit na sa gano'ng nga sktwasyon ay makasasampal ito't humingi ng saklolo, hindi niya iyon maaring gawin. Pag-aari na siya ng lalaki. Isang manika o laruang pwedeng paglaruan at pagparausan.
"May gusto ka bang gawin?" Tanong ni Mavy sa malambot at nakakatuksong boses. Inilapag niya ang kanyang kamay sa matikas at matipunong dibdib ng lalaki. Ngumiti lang ulit ito.
Sa tahanan nila Mavy, ang naiwang si Tracy naman ay nagsimulang umubo ulit. Patuloy nang patuloy, at palala nang palala. At sa bawat pagkakataong huminto siya ay makikita niyang dumarami ang dugong lumalabas sa kanyang mga bibig.
"Baka naman..." Dahan-dahang ibinaba ni Mavy ang kanyang mga kamay tungo sa sandata ng lalaki. "Gusto mong..." Tinitigan ito ni Mavy. Nagpunas ng labi gamit ang dila. At saka tinitigan ang nakangiti lamang na lalaki.
"Tracy? Ayos ka lang ba? Tracy!?" Sigaw ni Aling Hernana, butihing kapit-bahay ng magkakapatid. Patuloy ito sa pagkatok sa kanilang pintuan nakakandado sa loob. Patuloy sa pag-ubo ng malakas ang nakahigang si Tracy. Napupuno ng tumatalsik na dugo ang kanyang bibig. Hindi na niya makayanang tumayo, at nahuli na nang kayanin niya pang buksan ang pintuan. Agad na humingi ng saklolo si Aling Hernana. Lumapit ang kanyang asawa't anak na lalaki, at nang malaman ang nangyayari'y bilisan nilang sinubukang buksan ang makapal na nakakandadong pintuan.
Tumunog ang cellphone ng lalaki. Tiningnan niya ito, dahilan upang matigilan si Mavy sa panunukso rito. Nang matapos mabasa ng lalaki ang mensahe, may inabot ito sa kanyang likuran. Ang akala ni Mavy na wallet na may perang laman ay isa palang wallet na may laman na police badge. Parak! Narinig niyang nagsigawan ang mga tao sa loob ng bar. Nakita niyang nagsipagtakbuhan ang mga customer at empleyado nito kung saan-saan, at ang iba nama'y hinuhuli ng mga pulis.
Humihina ang pag-ubo ni Tracy. Humihina na rin ang kanyang paghinga. Nag-iyangan ang mga tao sa paligid ng kanilang tahanan. Ang iba'y habag sa nangyayari sa bata. "Kawawa naman!" Sambulat ng iba. Patuloy naman ang malakas na kalabog sa kanilang pintuan. Sinisira kasi ito ng ilang kalalakihang rumespunde. At nang tuluyan nang nasira ang pintuan, ay agarang pumasok sila at namataan ang nakahandusay na katawan ni Tracy. Pikit ang nga mata. Wala na ang mga ubo. Wala na ring buhay. Huli na ang lahat.
Isa-isang ipinasok ang mga nahuling customer, empleyado sa mga kotseng pampulis sa labas ng bar. Pinagpipiyestahan ang paligid ng mga umuusisang dumaraan.
"Teka, 'yong kapatid ko! 'Yong kapatid ko!" Sigaw ni Mavy na nakaposas habang inilalabas siya ng lalaking tinutukso niya kanina. Kasabay niya si Mommy Tanya sa umiiyak sa nangyari. Kasabay niya rin ang iba niya pang mga binansagan ng nga pulis na "frostie." Nagkaroon pala ng operasyon ang nga pulis sa kanilang bar, na minamanmanan nila sa loob ng ilang buwan.
"Teka lang ho!" Paiyak na pakiusap ni Mavy. "'Yong kapatid ko, naiwan sa bahay, pwede bang daanan muna natin siya?" Tahimik lamang ang pulis.
"Nagmamakaawa ako." Dagdag ni Mavy. "Hinihintay niya akong makauwi." At tuluyan nang bumagsak ang kanyang mga luha.
Akmang isasarado na ng pulis ang pintuan ng kotseng kinalalagyan ni Mavy, nang sambitin nitong "Huli na ang lahat." At saka nito sinarado ang pintuan. Nagsimulang gumana ang kotse tungo sa prisinto.
Naiwang tulala si Mavy. Inaalala ang kapatid na may malubhang sakit, naghihintay sa kanyang makauwi dala ang ipinangakong pasalubong na Jollibee — maiiwan nang mag-isa, walang kamalay-malay sa kanyang ate.
Kung alam lang din sana ni Mavy. Kung alam niya lang na huli na ang lahat.