Sabi ko noon, hinding-hindi ko kailanman papalitan ang una kong pag-ibig
'Yung una kong iniyakan, pinanghinayangan at siyang nakatanim sa'king dibdib
Sa dami na ng naisulat ko tungkol sa aming kwento
Hindi ko akalaing may mas sasakit pa pala rito
Tanda ng trahedya sa aking kamusmusan nang siya ay namaalam
Sadyang napakalungkot ng aking pinagdaanan
Ngunit sa hindi ko malamang kadahilanan
Ito'y napawi nang ika'y aking masilayan
Maraming nakapag-sabi sa na isa ka raw babaero
Marami din daw ang nahuhulog sa iyong pagka-bolero
Sa aking paningin, hindi ito kaso
Dahil sa ikalawang pagkakataon, tumibok ang puso ko
Isang batang walang muwang sa makamundong kamunduhan
Mata'y iyong minulat ng walang kaalam-alam
Sa mga bagay na hindi pa dapat sana mararanasan
Kung hindi lang dahil sa kapusukan
Nababasa't napapanood ko lamang ang ganitong sitwasyon
Kung saan iiwanan ng lalaki ang babae pagkatapos bigyan ng sensasyon
Hindi sumagi sa isip ko ito noon
Ngunit napaka-sakit tanggapin na nangyari ito ngayon
Hindi ito kagaya ng sakit na ipinaramdam ng nauna
Ito yung sakit ng pagkamuhi sa sarili dahil sa pagiging tanga
Ito yung pakiramdam na paulit-ulit, 'kung ako'y nakinig lang sana'
Pero pamilyar sa pakiramdam na, 'hindi ko na ito maibabalik pa'
May poot pa rin sa aking dibdib sa tuwing iyon ay aking maiisip
Hindi ko alam kung magagawa ko pa kaya itong kalimutan o kahit sa isang saglit
Kaya kong ikaw ay patawarin pero ang alaala ng sakit ay hindi mawawaglit
Mananatiling bakas ng isa nanamang kwento ng pag-ibig na hindi ko nasagip.