Are you sure you want to report this content?
Naalala mo ba, bata pa tayo noon,
Bagong lipat kami sa subdivision, wala pa akong kakilala,
Tuwing hapon, dudungaw ako sa bintana,
Tatanaw sa lansangang kanlungan ng
"Langit lupa impyerno, im-im-impyerno. Saksak puso tulo ang dugo...."
Isang araw di ko na natiis dumungaw lamang sa bintana,
Kaya’t lumabas, at ninamnam ang init ng araw sa balat.
Nagmasid, nakinig, patagong nangingiti sa mga kwentuhan at bangayan
“ang daya mo eh!, e ba’t ang pangit mo?
E ba’t ang laki ng butas ng ilong mo?”
na palaging sa hagalpakan rin naman ang hantungan.
Araw-araw akong lumabas, unti-unti natutunan ko na rin ang inyong mga pangalan, mga bansag.
Isang araw sa kontento kong pagmamasid, lumapit ka't nangalabit, humawak sa aking kamay at di ito binitawan.
“Halika, Sali ka nga.”
At nakiisa ako sa mga habulan at tayaan, mga asaran at tawanan.
Nang oras ng umuwi, sabi mo pa, “ano nga’ng pangalan mo?”
At araw-araw mula noon, sa pinto nami’y hihintayin ko (tok tok tok),
“Halika laro na tayo”
----------------------------------------------
Dumagdag ang mga taon, nagtapos tayo ng elementarya,
at tumuntong ng sekondarya,
nagpatuloy ang ating habulan at taguan,
taguan ng damdamin, habulan ng mga tamang salita,
paano ba sasabihin na mahal na kita?
Pagtuntong ng kolehiyo, di na tayo nagkita.
Nakipagsapalaran ako sa aspalto’t alikabok ng Maynila.
Sa bawat bagong mundo, bawat bagong palaruan,
palaging naroon lang sa sulok, nagmamasid.
Hinihintay na may tulad mo’t lalapit, sa aking kamay, sa aking braso ay hahawak ng mahigpit.
At mayroon ngang mga nagtangka,
napaniwala ako ng mga salitang wala palang kahulugan,
mga pagsuyong walang nilalaman.
Napasali sa mga larong panadalian, laro ng laman.
Hindi na init ng araw sa balat ang aking ninanamnam,
ngunit ang mga init ng haplos, buntong hininga at pagiisa ng katawan.
Patuloy akong nakipaghabulan sa mga taong akala ko’y tunay akong minahal,
patuloy na nakipagpatintero’t tayaan, umaasang di nila ako iiwan.
--------------------------------------------------
Doon napagtanto na ang pagibig ay parang laro,
kung sinong mas nagmamahal ay siyang nagiging talunan.
Ang pag ibig ay langit at ito ay impyerno,
pag puso ang nadali, tutulo ang dugo, pati mata'y luluha at mamumugto.
Kaya’t mula noon natutunan ko ring makipaglaro,
umibig ng pira-piraso, butil-butil, kalat-kalat,
pagkat natakot na akong sa laro ng damdamin mataya, maghabol, madapa't magkapilat.
Ngunit kung magkikita tayong muli, hahawakan mo kaya ang aking mga kamay gaya ng dati?
Hahanapin mo ba ako at ang damdamin kong nasanay nang makipagtaguan?
Bubuuin mo ba ang bawat bubog at piraso ng aking pagmamahal?
Sasabihin mo ba’ng ang pagibig ay di isang habulan o pataasan o pagalingan,
Na hindi ito isang larong kailangang may manalo at matalo, dahil ayoko na, ayoko ng maging isa lamang kalaro.
Dahil ang pagibig ay langit, lupa, at impyerno, im-im-impyerno
Pag nasaksak ang puso, tutulo ang dugo, luha'y papatak mata'y mamumugto.
Is there beauty in microbiology? Delve in a world where poetry meets microbiology and microscopy.
2264 Launches
Part of the Poetry collection
Published on May 21, 2018
(1)
Characters left :
Category
You can edit published STORIES
Are you sure you want to delete this opinion?
Are you sure you want to delete this reply?
Are you sure you want to report this content?
This content has been reported as inappropriate. Our team will look into it ASAP. Thank You!
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.