Launchorasince 2014
← Stories

Katorse

Naaalala ko no'n sa kapag sasapit ang ika-14 ng Pebrero, ikaw 'yong pinaka-excited sa lahat.

Magsisimula ang umaga ko sa napakahaba mong mensaheng punong-puno ng emoji. Nakaiinis at nakalilito mang maglakbay sa bawat simbolo na idinutdot mo, tatapusin ko pa rin ito hanggang sa maabot ang dulo, dahil alam kong isinalpak mo ang mga ito nang may puso.

Kasunod no'n ay isang bouquet ng iba't-ibang klase ng bulaklak. Aamoy-amuyin ko ang bawat isa sa mga do'n, at tatanggalin ang mga nakapananakit sa ilong; iiwan ang mga mababango't parang pang-ibang bansang pabango ang pinabanguhan. Hindi ka magrereklamo, bagkus tutulungan mo pa ako; nakaupo sa ilalim ng puno, sandal ang aking ulo sa iyong balikat, magkatulong na nagtatanggal ng mga pirasong masangsang sa mga bulaklak.

Tapos dadalhin mo ako sa panibagong nadiskubre mong restaurant. Doon, uupo tayo sa kung sa'ng gilid, agad na tatawag ng waiter kung mayroon, at tsaka o-order ng pagkadami-dami. Minsan ko nang nasabi sa 'yo na pinapataba mo ako, pero ayos lang 'yon ika mo — dahil kahit na tumaba ako, mas mataba pa rin ang puso mo.

Sa pagsapit ng hapon, didiretso tayo sa sinehan at manonood ng nga korni na pelikulang halos paulit-ulit lang ang istorya't konsepto, pero manonood pa rin ako dahil kahit ga'no man 'yon ka-cheesy e nando'n ka naman sa tabi ko, hawak ang aking kamay, habang hinahalikan sa pisngi ng paminsan-minsan.

Sa dakong gabi, magsisiya naman tayo. Pumupunta tayo sa mga gigs ng mga bandang hindi ko pa naririnig o nakikilala. Makikisama tayo sa iba't-ibang tao, masiksik man o maluwag, may upuan man o wala, basta nando'n tayo upang makinig ng mga musikang hindi ko pa naririnig — mga musikang nakakasurpresa dahil sobrang magaganda ang mga ito. Tatalon-talon tayo kapag sobrang energetic ng musika. Sasayaw tayo ng fahan-dahan kapag naman malamig at malumanay ang kanta. Pero nando'n tayo para marinig ang bawat kwento natin na hinulma ng tunog at mga salitang nilapatan ng nota. Nando'n tayo para marinig ang bawat emosyon na gusto nating ipahayag, sa pamamagitan ng mga bandang isinulat at ikinanta ang mga ito.

Sa dulo, ihahatid mo ako sa tahanan, at hahalikan sa noo. Hahalikan naman kita sa labi, yayakapin, at pasasalamatan para sa isa na namang maligayang araw. Sa katotohanan, araw-araw na kasama kita'y ligaya. Ikaw lang ang tunay na nagbigay ng pagmamahal na hindi ko nakuha sa iba, bukod sa aking mga nagulang. Ikaw ang nagpahalaga sa isang tulad kong pihikan at normal.

Ginawa mo 'yon sa loob ng magkasunod na pitong ikalabing-apat ng Pebrero. At no'ng sumapit ang ikawalo sanang Valentines day natin, wala tayong ibang sinelebra kun'di ang araw ng kalayaan.

Hindi ko ginusto, ngunit kinailangan ko. At ngayon, pinagsisihan kong bitawan ka. Hindi kita pinalaya — binitawan kita, at iyon ang katotohanan. At alam kong hindi makakamit o maibabalik ng pagpapasensiya ang lahat ng sakit ng naidulot ko.

Pero gusto ko lang malaman mo, na pati ako'y lubusan ding nasaktan — lalo na ng pakawalan ko ang tanging nagpapaligaya sa 'kin..

Ika-siyam na araw ng mga puso, hindi ka pa rin matahimik. Hinahanap-hanap mo pa rin ako.

Ika-sampung araw ng mga puso, nagpadala ka ng mga bulaklak. Ayaw mo pa rin akong sukuan, kahit matagal na kitang sinukuan.

Ika-labin'-isang araw ng puso, maragal nang nangandamatay na ang mga bulaklak na ipinadala mo. Hindi ka na rin masyadong nagpaparamdam pa.

Ika-labin'-dalawang araw ng mga puso, tuluyan ka ring napagod sa kahahabol.

Ika-labing-tatlong araw ng mga puso, tuluyan ka nang tumigil, at nakahanap ng bago mong paliligayahib tulad nang kung pa'no ako paligayahan sa bawat ika-14 ng Pebrero.

Ika-labin'-apat na araw ng mga puso, alam kong tuluyan nang naglaho ang lahat ng mga nararamdaman. Pero hindi ang mga ala-ala, dahil panghahawakan ko ang mga ito.

Hindi ang mga gunitang mananatili sa isip at puso ko — dahil do'n na kang kita kayang mabati sa tuwing tatapat ang ika-labing-apat ng Pebrero.