Launchorasince 2014
← Stories

LDR

Tatlong taon na rin ang nakalilipas nang kumustahin niya ulit ako sa pamamagitan ng social media.

"Kumusta ka na?" Kanyang t-in-ype. Nag-aalangan ako sa aking isasagot.

"Ayos nama..." Hindi ko itinuloy at agad na binura.

"Na-miss kit..." Teka... agad ko ring binura ito.

"Uy, andiyan ka pa ba?" Dagdag niya.

"Oo, 'andito pa 'ko. Okay naman ako." Aking mabilisang iminensahe.

S-in-een niya lang ito.

Hindi napigilan ang sarili ko na mag-back read, at basahin ang lahat ng mga messages namin sa isa't-isa — matatamis, maaasim, mapapait, masasakit — halos lahat na 'ata ng pakiramdam at lasa ay nasa aming pakikipag-usap

Oo, LDR kami, pero mali ang akala nila na lahat ay hindi totoo ang pag-iibigan sa internet, o keyboard daw ang tumitibok, dahil hindi kami hahantong sa ganito, o nahantong sa kung ano at ano ang mayroon kami dati, kung totoo man na hindi totoo ang pag-iibigan sa harap ng computer o cellphone.

Lalo ko siyang na-miss. Naalala kong bigla kung paano kami nagkakilala, nagkaibigan, nagmahalan, at kung paano kami bumalik sa pagiging mga magkakakilala na lamang.

May isa siyang bagong mensahe, at sa pagkakabasa ko nito ay naramdaman kong kahit na may pag-asa pa kaming manumbalik sa dati ay hindi na nito ibabalik ang kung ano kami dati sa isa't-isa.

"Sorry."

Isang salitang nagpatitig sa akin sa harap ng maliwanag na screen ng cellphone ko.

"Bakit naman, para saan?" Tanong ko, na may nakangiting emoticon sa dulo.

"Binura ko kasi 'yong buong convo. natin, e." Reply niya.

"A, okay lang 'yon." Sabi ko. Pero sa totoo lang, para akong sinaksak ng tatlong beses. Isa para sa sakit. Isa para sa luha. Isa para sa hapdi.

"Hindi." Sabi niya. "Hindi okay."

S-in-een ko lang. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Lalo akong natahimik.

"Para ko na rin kasing binura ang lahat ng mga malulungkot at masasayang ala-ala natin."