Launchorasince 2014
← Stories

Mamang nakamotorsiklo

Naglalakad ako noon sa may kanto
Nang marining ko ang usap-usapan ng mga tao
Parating na raw siya
Tangan ng kanyang motorsiklo
Baon ang inaasam-asam na pagbabago

Umaraw at dumilim
Ngunit walang nakamotorskilong dumating
Sumapit ang bisperas ng pista
Maraming pumila at nagpalista

Bagama't ang ilan ay patuloy na nakaabang
Wala ni anino ang natanaw
Ibang daan pala ang nais tahakin
Ng mama sa motorsiklong katanyaga'y parang hangin

Ngunit ang nakapagtataka
Ay ang mga larawang nakapaskil pa rin maging sa bukirin
Tila ba urong-sulong ang istilo nito
Wari ko'y kinakasangkapan niya ang mga tao

Sumapit ang patimpalak at siya'y biglang nagpakita
Akalain mo nga nama't nanalo pa!
Mamang nakamotorsiklo
Sabi mo noo'y isusulong ang pagbabago,

Mga mahihirap ay paglilingkuran mo
Ngunit ano ito at kami pa ang niyuyurakan mo?
Tumindig kami't pinaglaban ang karapatan
Ngunit sa ere kami'y iyong iniwan

Isa, dalawa, marami pang kababayan
Ang unti-unting inaalay mo kay kamatayan
Matapang kang magsalita
Subalit puros katampalasan ang winiwika

Parati ka na lamang bang iintindihin?
Hanggang saan, hanggang kailan ang dapat ipagtimpi
Ng mga taong nagtiwala ngunit nasawi?

Marami silang iyong nabulag
Mga litanya mo sa kanila'y sadyang kay tanyag
Ngunit habang tumatagal
Kaanyuan mo'y kusang lumalabas

Muntik na akong mapaniwalang iba ka
Subalit tama ako,
Politiko ka rin talaga.