Launchorasince 2014
← Stories

Munti

Isang araw may isang mumunting masiyahing daga ang lumabas mula sa isang maliit na butas. Marami ang nagtayuan at nagtilian. Sumaya ang daga sa pag-aakalang gusto siya ng mga tao. Akala niya'y isa siyang artista.

Buong kumpyansang naglakad ang daga. Palapit siya sa isang babae ngunit bigla siya nitong hinagisan ng tsinelas. Takang-takang tumakbo ang daga.

Lumapit ito sa sa lalaking may hawak na patpat. Pinatpat ng lalaki ang sahig kaya naman lumapit ang daga. Buong akala niya'y tinatawag siya nito. Ngunit sa kanyang paglapit isang masakit na hampas ang kanyang natamo.

Umiyak ang daga. Umiyak ng malakas. Ngunit walang naririnig ang lalaki at patuloy lamang ito sa paghampas sa pobreng daga. Tumigil ang daga sa pag-iyak pagkat inaagaw na ng kamatayan ang kanyang hininga. Tumigil ang lalaki sa kanyang paghampas at umalis.

Dinilat ng daga ang kanyang kanang mata. Nakita niya ang isang munting anghel na nakaupo sa sahig at awang-awang nakatitig sa kanya. Sinubukan pang gumapang ng munting daga ngunit bumalik na ang lalaki may dalang supot. Dahan-dahang pinulot ang daga at tinali ang supot. Itinapon sa basurahan.