Launchorasince 2014
← Stories

Panaginip

"Uy, alam mo ba," bigkas ni Nilo sa katabi nitong si Dana, "napanaginipan ko siya kagabi."

"Wow," gulat na bigkas ni Dana, "talaga ba? Grabe ka naman, hahahaha!" Pabiro nitong dagdag. "Baka naman pinagnanasahan mo na 'yang gusto mo, ha?"

"Uy, tang-ina ka, hindi a!" Mura nito sa kaibigan.

"Leche ka, namura mo pa ako." Pabirong sagot ni Dana.

"Hala, oo nga kasi, napanaginipan ko siya." Ngiting sagot ni Nilo. "Pero alam mo ba 'yong hindi ko lubos na inakala?"

"O, ano na naman 'yan?" Tanong ni Dana habang ito'y umiinom ng buko shake. "Baka isa na naman iyang pagda-drama tungkol do'n sa kesyo nasasaktan ka kasi may nagugustuhan siya."

Sumipsip ng bahagya si Nilo sa kanyang shake.

"O dahil may lumalandi o nanliligaw sa kanya."

Napatulala si Nilo, muling inalala ang mga mapapait na mga araw na 'yon.

"Huy! Nakikinig ka pa ba?" Sabay mahinang hampas ng kamay ni Dana sa batok ng kaibigan.

"Aray!" Tila magising sa katotohanan si Nilo. "Sakit, putik! Oo gising pa 'ko."

"Ano ba kasi 'yong hindi mo inakala?" Tanong ni Dana sa kaibigan.

"A, 'yon?" Anang ni Nilo, "hindi ko lang kasi inakala na kaya niya pala 'kong saktan hanggang sa panaginip ko."

"Ay! Sabi ko na nga ba, e..." At nagpatuloy ang pagsasalita ni Dana. Lingid sa kaalaman nito na siya ang tinutukoy na gusto, o gustong-gusto, ni Nilo. Para na nga siyang nahulog nang tuluyan sa kanya.

At habang tinititigan niya't nakangiti ang tumatalak na si Dana, wala ibang pumasok sa isip nito kun'di ang nalaman niyang sinagot na ni Dana ang matagal na niyang manliligaw.