Launchorasince 2014
← Stories

Sabik

Gutom...Sabi ni Bugoy may matinding dahilan daw kung bakit siya pumapasok sa mga Dela Cruz. Kailangan daw kasi makapag-aral ni Nene at ni Crystal. Kapag naroon siya nabibigay niya mga kwaderno, mga lapis, mga bolpen at papel, maging ang mga bag nila. Kapag nasa tahanan siya ng mga Dela Cruz, nabibigyan niya ng pambaon araw-araw ang mga kapatid. Kapag may proyekto madali niyang natutustusan.

Sabi ni Bugoy masaya daw ang nanay niya kapag naroon siya sa mga Dela Cruz dahil hindi lamang ang sarili niya ang nabubusog niya, kundi pati ang kalamnan ng buong pamilya nila. Busog pati ang mga lalaking umiistambay sa bahay nila. Busog rin ang mamang nag-dedeliver ng pakete ng tawas ata yon, kasi puti. Pati yung mga halaman na Mary Jane ang pangalan na alaga ng kanyang amain...solve!

Sabi ni Bugoy, ang pagpasok niya sa mga Dela Cruz ang pinaka magandang pangyayari sa buhay niya. Lahat-lahat ng naisin niya ay nabibili niya. Noon, isang beses sa isang buwan lang kung magawa niya ito. Hangang sa naging lingo-lingo na, at ngayon inaraw-araw pa ni Bugoy ang pagpasok sa mga Dela Cruz. Pumapasok daw kasi ang buong pamilya sa kani-kanilang mga trabaho at eskwela. Walang naiiwan sa bahay nila. Kaya si Bugoy, malayang-malaya sa paglabas-masok at paglimas ng ari-arian ng pamilya Dela Cruz.

Gutom daw ang dahilan sabi niya. Gutom sa edukasyon at kalam ng sikmura. Isama na rin natin sa mga dahilan ang kasabikan sa droga at marijuana. Mga dahilan kung bakit nagagawa ni Bugoy ang pagnanakaw sa tahanan na halos inaalikabok na kagamitan na lamang ang nakatira.


Written: July 2, 2015

Para sa batang nagbubuhat ng sako sa tindahan namin. SI Bulugoy.