Tumingala ka.
Tumingin sa kalangitan sa umaga.
Hintayin ang pagsikat ng araw.
Pagmasdan ang laban ng liwanag at dilim.
Pakawalan ang hamog ng nagdaang gabi.
Pakinggan ang katahimikan.
Ito ang bagong umaga.
Ito ulit ang simula.
Pakiramdaman ang paggising niya.
Ang paghinga.
Maghintay ka lang,
Iingay na ulit ang mundo,
at buhuy ka.
Narito sa kasalukuyan.
Magpasalamat sa higaan sa tabi ng bintana.
Sa himlayan.
sa mga basang unan.
Bago mo buksan ang pinto, magdasal ka.
Tandaan ikaw ay isang santo na nakatira sa bahay ng mga makasalanan.
Tumingala ka.
Tumingin sa kalangitan sa tanghali.
Damhin ang paso ng araw.
Pagmasdan ang mga kwento ng mga ulap.
Pakawalan ang buntong-hininga ng umga.
Pakinggan ang daloy ng dugo.
Ito and buhay.
Ang init.
Tandaan ikaw ay isang kaluluwang ligaw,
sa mundo ng mga kalansay.
Tumingala ka.
Tumingin sa kalangitan sa hapon.
Panoorin ang paglubog ng araw.
Pagmasdan ang unti-unting pagsuko ng liwanag.
Pakawalan ang kadiliman.
Ito ay iyo.
Ito ay ikaw.
Tandaan ang tao ay hindi lang nabubuhay sa tubig at tinapay.
Gabi na.
Naglalabasan na ang mga bituin sa kalangitan.
Maliwanag na ang buwan.
At pilit ginagaya ng mga ilaw sa daan ang kalawakan.
Mag-isa kang naglalakad sa kawalan.
Kumakalam ang tiyan,
Habang pinapanood ang mga sasakyan at tawanan.
Halos narinig mo na rin ang mga ngiti.
Itong mundo ang bumahay sayo,
At ito ang unti-unting nagpapahirap sa iyong paghinga.
Tumingala ka.
Hayaang umagos and luha
Pero huwag kalimutan ang ngiti.
Maaring ngayon ay nag-iisa ka.
Naglalakbay sa paraiso ng mga bangungot.
Pero huwag susuko sa pagmamahal.
Sa pag-ibig.
Sa kalayaan.
Tandaan kaya paring umibig ng pusong sugatan at sawi.
Hating Gabi na
Ang gusto mo lang naman ay magmahal.
Yung pag-ibig na walang pinipiling relihiyon,
Kasarian at kulay.
Yung walang pinipiling pera.
Kaya tumingala ka.
Tandaan itong kalangitan ay pareho sa langit ng iyong mamahalin.
Pasikat na ang araw.
Nandito ako sa dalampasigan ng buhay.
Naghihintay sa pagdaong ng bangkang sinakyan ng aking mamahalin,
Sa pagdating mo.
Nandito ako naghihintay.
Nakatingala.