Launchorasince 2014
← Stories

Ulirang Ina

Sa bawat aruga mo,
Katumbas ay ang panghabambuhay na pagmamahal
Sa bawat salita mo, 
Kalakip ay ang mga pangaral mo sa akin
Sa bawat galaw ko, 
Ika'y nariyan upang ako'y iyong babantayan. 

Sa pagpatak ng luha ko,
Pinapawi mo ang aking kalungkutan
Sa pagbuhos ng kasiyahan ko,
Ikaw rin ay masaya
Sa mga kamaliang nagawa ko, 
Ramdam ko sa'yo ang bahid ng lungkot. 

Sa bawat pabalang na sagot,
Matatalas na salita ang sumasaksak sa'yo
Sa pagbuhos ng galit, 
Maririnig ang mga sigawan
Sa pag-agos ng sakit,
Puso mo'y tahimik na nadudurog.

Sa kaunting pagsuway,
Pangaral mo'y tinangay lang ng hangin
Sa katahimikang namumuo,
Isang bagay ang tumatakbo sa isip
Sa pagpikit ng mga mata, 
Mga alaala'y muling bumalik.

Sa pag-iyak ng isang sanggol,
Mabilis mong tinimpla ang gatas ko
Sa munti kong boses, 
Madaling araw ika'y nagigising. 

Sa lahat nang ginawa mo para sa akin,
Katumbas nito'y dugo't pawis
Sa sakripisyo mo para sa'kin,
Narapat lang na ako'y magpasalamat
Sa mga salitang nabitawan ko,
Ako'y humihingi ng tawad sa'yo.

Sa pagpapalaki mo sa'kin,
Asahan mong mamahalin rin kita habambuhay
Sa mahaba mong pasensya,
Asahan mong magtitiis ako para sa'yo
Sa lagi mong pagsuporta,
Asahan mong mga pangako ko'y tutuparin.

Sa hindi mo pagsuko sa pangarap ko,
Hindi rin ako magsasawang suklian ang lahat ng 'yong ginawa
Sa hindi mo pag-iwan sa'kin,
Hindi rin ako bibitaw para sa'yo hanggang sa huling hininga ko
Dahil ikaw, aking ina, ay nagsilbing tagagabay at tagapagtanggol ko
Ang Ilaw ng tahanan, ang dakila kong Ina.