Amoy na amoy ko nanaman ang usok
Mabaho’t nakakasulasok
Unti-unti para akong tinutusok
Iiyak, isisiksik ang sarili sa madilim na sulok
Imahe ng puting hangin na sumasayaw
Ibabalik nanaman ang memoryang nakadungaw
Pilit na winawaksi ang mga alaalang saklaw
Muli sa akin uuwi paglubog ng araw
Isa, dalawa, tatlo
Tatlong sigarilyong upos, at papasok na siya
apat, lima, anim
Mga anim na minuto, makikipag-laro muna siya
Dinig na dinig ko pa ang mga paghangos ng kaba
Habang unti-unting ang mga damit ay ibinababa
Ang mga halik na pinupol sa mumunting katawan
Iyak ang umalingawngaw sa pagsilip ng buwan
Ayaw ko po!
Ayaw ko po!
Paulit-ulit na sigaw ng kaawa-awang musmos
Kaluluwa’y napupunit sa maiinit na haplos
Isa, dalawa, tatlo
Tatlong beses sa isang linggo
Apat, lima, anim
Anim na buwan, binaboy ang pagkatao
Bakit ako pa ang naging biktima?
Bakit ang kamusmusan ko pa ang kinuha?
Bakit ninyo ako ipinagkatiwala sa kanya?
Bakit sa lahat ng tao, ako na anak niyo pa?
Ayoko na.
Ayoko na.
Pagod na pagod na ang isip ko
Pagod na pagod na ako
Imahe ng puting hangin na sumasayaw
Amoy nito ay nakasusulasok
Pirming pumapasok sa ilong hanggang sa utak ko
Habambuhay na dadalhin ang abo ng upos ng sigarilyo mo
Isa, dalawa, tatlo