Nakatayo ako sa balkonahe,
nakatitig sa mga bituin,
nagdarasal ng kapayapaan.
Kapayapaan ng mundo,
kapayapaan ng mga tao,
at higit sa lahat kapayapaan ko.
Mga patak ng luha'y umagos,
lamig na dati'y nakagapos
dahan-dahang kumawala.
Yakap, naramdaman ko ito.
Mga salita'y hindi ko kayang sabihin
kinaya mong intindihin.
Bigat sa aking puso,
sakit na mapanukso,
isa-isang mong pinaglaho.
Kasiyaha'y umusbong,
kalungkuta'y lumubog
nang dahil sa isang yakap.
----------------------------------
Di ko lubos maisip kung bakit sa akin dumadalaw ang bigat ng kalungkutan. Hindi ko pinipiling tignan ang kadiliman ngunit mayroon talagang mga araw at gabi na hindi ko mapigilan ang matinding kasadlakan sa kalungkutan hindi ko malaman ang dahilan. Labing-apat na taon na ang lumipas ngunit hindi ko pa rin mapagtagumapayan ang labang ito sa loob ng aking isipan at kalooban. Maraming mga gabi na gusto ko na lamang sumuko pero hindi ako tumitigil dahil alam kong balang araw makalalaya rin ako sa pakiramdam na ito. Nais ko lamang magpasalamat sa aking kaibigan na patuloy akong niyayakap kahit na siya pa'y nasa langit na kasama ng Maykapal. Ibulong mo sana ako sa Panginoon gayundin ang mundong ito.