Panibagong umaga nanaman ang gugutom kay Maria.
Tirang bahaw at inamag na pagpag ang ipanlalaman sa sikmura.
Laway nalang ang tanging pamawi sa uhaw.
Eh sino ba naman siya para maghangad pa ng desenteng sabaw?
Oras na para bumangon at kumayod.
Maghahanap ng kwarta para sa pagkain-panghapunan.
Titiisin ang nakakapanghinang init at pagod
Dahil sa huli, walang hahantong na bunga sa taong batugan.
Alam niya na maya’t-maya’y sasama ang kanyang pakiramdam.
Pero lingid sa inyong kaalaman ay kunwaring matiba’y ang kanyang resistensya.
Sapagkat sanay at marunong makipagsapalaran si Maria,
Walang pag-aalinlangan niyang ipinagpapatuloy ang ganitong kalakaran.
Likas ang husay sa mga talento’t abilidad ni Maria.
Liksi ng kilos ngunit banayad na kamay ang puhunan sa kanyang trabaho.
Dukot dito, sungkit doon.
Kung saan may bagahe, tiyak na may madadali.
Tiwala si Maria sa ganitong pamamaraan,
Dahil mabilis na dumadaloy ang pera sa kanyang palad.
Ngunit hindi lang ito ang kanyang pinagkakaabalahan.
Dahil sa pagpupuslit ng kalakal, sa tingin niya, siya’y yayaman.
Alam ni Maria na ang tinatahak niyang buhay ay delikado.
Mahirap siya, at alam niyang alam mo iyon.
Pero dala na rin ng pagkasuya’t pagkadesperado,
Sa talim nalang siya pilit kumakapit, umaasang makakaahon.
Marapat bang husagahan si Maria?
Bilang masama, kriminal, at salot sa lipunang Pilipino?
Marapat bang murahin at tapak-tapakan ang dignidad niya bilang tao?
Kung ang nag-iisang hangad lang niya’y mabuhay sa makamundong mundo na ito?
Bakit hindi nalang tayo magkasundo?
Bigyan sila ng pagkakataong patunayan ang kabutihan sa kanilang puso.
Hayaang linangin sa kanilang pagkatao ang pagkamakatao,
At tulangan silang mapaunlad ang buhay nilang minsan nang hindi naging matino.
Buksan ang mga mata sa reyalidad ng kahirapan.
Iabot ang mga palad sa mga taong naghihikahos, naghihirap.
Iatas ang inyong tiwala na sila’y babawi’t magbabago.
Sagayo’y siguradong magsisimula ang tunay na pagbabago.
Image from: http://www.livelaw.in/poverty-is-not-a-mitigating-factor-for-lesser-punishment-gujarat-hc-read-jt/