Umaga na naman, papasok na naman ako sa paaralan, ano kaya ang almusal? Ang aga-aga pa naman, nakakatamad bumangon, makapikit muna. Ano na naman kaya ang pag-aaralan namin mamaya? Makabangon na nga at makakain na ng almusal at makapaghanda na pagpasok.
Russel po, sa sakayan papuntang SM, sabi ko sa tricycle driver. Sige iho sakay na, sagot niya sabay pagpapaandar sa tricycle. San ka nag-aaral iho? Tanong ng driver, sa Calayan po, sagot ko. Anong year mo na saka anong kurso mo? Second Year po ako, Mass Comm po ang kinukuha ko. Aba, at bagay na bagay sa iyo yung kurso mo, naalala mo ba ako iho? Ako yung lagi mong nasasakyang driver nung high school ka pa dyan sa GNHS.
Pilit kong iniisip kung saan at paano niya ako nakilala at bigla ko ngang naalala na ilang beses na nga akong nakasakay sa tricycle niya kasama ang aking mga kamag-aral. Nakakatuwang isipin na naaalala pa niya ako, kahit ilang taon na ang nakalipas. Siguro nga, may mga tao na dumadaan sa buhay natin na hindi natin nakakalimutan. At kahit maliit lang ang naging papel nila sa atin ay tatatak at mag-iiwan sila ng marka.
Iho, narito na tayo, sabi ng driver sa akin. Nandito na pala kami sa Russel, Bayad po, sabay abot ko ng barya, wag na iho, ituring mo na lang na regalo ko sa iyo yung libreng pasahe, sigurado po kayo, sagot ko. Oo naman mag-iingat ka, sabi niya sabay paandar uli nang kanyang tricycle. Napangiti na lamang ako at naglakad papunta sa mga nakapilang jeepney sa sakayan.
Calayan sampu lang isa, sigaw nung isang tricycle driver, tiningnan ko ang orasan ko, aba maaga pa pala, sige, mag je-jeep na lang ako nang makatipid pa ng tres. Calayan, Calayan, sigaw naman ng dispatcher ng jeepney, makasakay na nga.
Bayad po, makikisuyo. Bayad po. Bayad. Walang nag-aabot ng bayad ko kay kuya manong driver, kung itapon ko nalang kaya tapos sumigaw ako ng manong catch? Pwede kaya yun? Malamang hindi. Makasigaw na lang uli, Bayad ho, makikisuyo, yun, may nag-abot din. Estudyante po, Calayan lang.
Hindi pa rin gumagalaw yung jeepney, nag-aabang pa rin ng pasahero, titingnan ko sana yung relo ko kaso nung napatingin ako sa gawing kaliwa ko, napansin kong parang hindi yata magkasundo yung magkasintahang nasa tabi ko, naalala ko tuloy yung sabi sa ‘kin ng kaibigan ko nun na lagi kong kasabay sa jeep, wala daw yun sa tagal ng trapik, nasa soundtrip daw yun ni manong, parang pag-ibig wala sa tagal ng relasyon kundi nasa lalim at saya ng pinagsamahan.
Calmar ho? Sigaw ng pasaherong pasakay, Oo sabi ng driver, tumabi si ate sa akin sabay buntong hininga, sayang sabi niya, gusto ko pa naman umupo sa harap. Napangiti ako, ang pag-ibig kasi ay parang pagsakay sa jeep, tipong gusto mong sumakay sa harapan pero doon ka lang talaga sa likod, parang gusto mong mahalin ka ng mahal mo, pero hanggang kaibigan lang talaga ang kaya niya.
Bayad ho, sabay abot sa akin ng buong pera ng isang high school student, bayad po sabay abot ko sa driver. Ne, wala ka bang barya, tanong ni manong. Naisip ko, kahit gaano kalaki ang ibinigay mo, minsan, kailangan pa ring ibalik dahil hindi na kayang suklian, parang pag-ibig.
Makikiurong nga po, pakiusap nung isang high school student na bagong sakay, siguro malalate na siya kaya nakikipagsiksikan na. Sabagay, okay lang makipagsiksikan basta alam mo sa sarili mong hindi ka masasaktan.
Sa wakas umaandar na yung jeep, akala ko forever stuck na kami. Manong teka, sigaw nung babaeng pasakay, sabay hinto naman ng jeepney, at biglang nauntog yung pasahero. Ang pagsakay sa jeep ay parang pride, kailangan nating yumuko pag sasakay tayo, baka mauntog kasi tayo.
Ayan, umandar na ulit yung jeep sa wakas, ilang minuto lang ang nakalipas, para po, sigaw nung babaeng nauntog kanina, aba malapit lang pala ang destinasyon niya, walking distance ika-nila, pero nag-jeep pa rin siya, sabi nga nila, may mga taong kasasakay lang pero maya-maya bababa na din agad. Minsan, yun lang talaga ang dahilan nila sa pagsakay, para maramdaman mo na hindi ka nag-iisa habang nasa biyahe.
Bayad po, sigaw uli ng nasa dulo, aba hindi pa pala nagbabayad yun, buti di niya nalimutan. Bayad po manong, sabi ko sabay abot ng bayad sa driver. Para tayong pamasahe sa jeep. Marami tayong madadaanan at makikilala bago tayo makarating sa tunay na mag-mamay-ari sa atin. Mahuhulog tayo pero may pupulot at pupulot sa atin, kahit gaano pa tayo karumi, dun pa rin ang punta natin sa talagang seseryoso sa atin.
Ayun, lumiko ang jeep namin papunta sa gasolinahan, kung kelan naman nagmamadali, ngayon pa naisip magpa-gasolina, mamaya niyan aabutan na ng trapik, bulong nung lalaking katabi ko. Parang pag-ibig, darating din yan, pwedeng nahuli lang siya ng konti, o hindi ka lang makapaghintay.
Sa wakas umandar na rin, sabi uli nung katabi ko. Biglang harurot naman ang takbo ni manong na hindi ko maintindihan kung nagmamadali lang ba siya talaga o may problema. At bigla naman siyang prumeno kaya sumubsob kaming lahat paunahan. Ano ba yan kuya, dahan dahan naman sigaw nung babae sa dulo. Madalas kasi nasasaktan tayo kapag nagmamadali. Ang love ay may sariling timeline at timezone.
Ayun may pumapara sa malayo, nilagpasan na ng jeep, puno na kasi. Ang pag-ibig ay parang paghihintay ng jeep, lalampasan ka lang kapag pumara ka dahil puno na, pero isipin mo na marami pang pumapasada.
Brad, SM lang, sigaw nung sumabit na lalaki, nakakapagod mag-hold on kung palagi na lang nakasabit, mahirap humanap ng space sa isang bagay na hindi lang ikaw ang laman.
At minsan, kailangan mong sumigaw ng Manong, Para! dahil sadyang hanggang dun na lang talaga. Dapat alam mo kung kailan ka dapat tumigil kapag mali na at sobra na. Aba at lagpas na ako, Calayan na pala, Manong, Para! Sa tabi nalang ho!
Nakakatuwa lang na ang dami kong nakitang pangyayari sa buhay sa loob lang ng maikling sandali. Siguro nga sa jeepney, makakapili tayo ng lugar na mauupuan natin pero hindi natin mapipili ang taong uupo sa tabi natin, ganyan ang senaryo sa jeep, ganyan din sa pag-ibig, lalong hindi mo kontrolado kung kelan siya bababa at mawawala.