Launchorasince 2014
← Stories

Ang Pangingilabot

Narito sa isang sulok
Nakayuko't nagtatago
Sinisilip ang bandang roon
Hinahanap ang ikinakatakot

Ano ang humablot
Sa paninging nanlalabo
Hindi maituon, 'di matunton
Nang biglang may kumislot
Sa dilim na bumabalot
At doon nag-umpisa ang pangingilabot

Pilit minulat ngunit 'di maaninag
Pilit sinuri waring tangang sumisilip
Dagling kalabog pagkaraang saglit
Dagling kilabot ang naglaong sinapit


Ano itong himig
Tila sumisigaw na huni
Intindihin mang mabuti
Ay samasabat ang hangin
At nang muli itong dinggin
Ang paligid ay nanatiling tahimik

Nahihilo't nalilito
Pumipintig ang puso
Bumibilis at lumalalo
Damdami'y bumubugso

Sumulyap sa salaming kay laki
Sinindak ng imaheng kay lagim
Sinubok sa sintindo ng lintik
Sinundo ng isip tungong libing


Tumayo't tumakbo
Pasulong sa pinto
Mga luha ay tumulo
Bukas-matang sinalubong
Ang liwanag sa kabilang mundo


Humihingal
Humihinga
Namamawis
Namamaos

Humilata
Huminahon
Namihasa
Namahinga