Simula na ang araw ng paninilbihan para sa pamilya Guevarra. Agad na tumilaok ang problemadong matandang si Nanang Kusing para pangaralan ang kanyang mga apo na tulog-mantika pa rin sa pagsapit ng ika-sais y medya ng panibagong umaga. Ang pagmamadaling bumangon ng dalagitang si Ines ay siyang pagmamatigas ng batang si Minyong na pilit isinasawalang-bahala ang putak ng matanda. Subalit, ano bang laban ng kagustuhan ng bata sa utos ng matanda, ‘di ba? Ilang saglit lang ay bumangon rin ito, ngunit bago muna siya magbanat ng buto ay hinanap niya muna ang kanyang laruang kahapon pang nawawala.
“Nanang, nakita mo ba ‘yung laruan ko?” Tanong ni Minyong sa matandang abala sa paglilinis ng kwarto. Ngunit walang pagpapaunlak ang nanggaling sa matandang labas-masok sa silid. “Ikaw ate?” Tuon naman niya sa kanyang kapatid na walang pakialam sa paligid. Tanging bulong lang ng hangin ang tumugon sa tanong ng kawawang bata, ngunit hindi ito nakatulong sa pagtuklas ng bagay na kahapon pa niya gustong malaman.
Ilang oras lang ang nakalipas ay dali-daling bumaba ng hagdan si Donya Carmelita papunta sa salas. “Nanang Kusing, nasaan po yung aking perlas?” Tanong niya sa abalang matanda.
“Yoong makintab na kwintas niyo po?” Sagot niya habang papalabas ng kusina upang humarap at ngumiting saglit sa kanyang amo.
Ngumiti rin siya bilang paggalang sa matanda at tumango naman bilang pagsang-ayon sa tanong.
“Teka, kay Minyong ko nalang po ipapahanap. Sandali.” Bigkas ng matanda habang tinapik ang batang kanina pa nakikinig sa usapan nung dalawa.
“Sige pero hindi ko po na mahihintay iyon sapagkat mahuhuli na po ako sa aking lakad. Pakilagay nalang po mamaya sa kwarto ko.”
Tumango naman ang matanda pero tinapik pa rin niya ang katabi niyang apo bilang hudyat ng paghahanap. Kamot-ulo namang iniwan ni Minyong ang kanyang ginagawa at tumungo sa silid na inutos ng matanda para halughugin.
TV REPORTER: Pinaaanyayahan po ang lahat ng mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo na wala na pong pasok. Manatili nalang pong ligtas sa kani-kanilang mga tahanan.
Dinig ni Minyong ang balita na nanggagaling sa kwarto ng binatilyong si Dante. Bawat hakbang niya ay unti-unting lumalakas ang ingay mula sa kwarto ng kanyang amo. Bakas ang pagkataka sa mukha ng bata sa kung kailangan ba talaga ng ganoong kalakas na ingay sa panahon ng ulan at katahimikan. Kaya’t bago man siya pumaroon sa kanyang hantungan ay sumilip ng saglit ang mausisang bata at doon nakita niya ang nagpapakasarap na binata. Saklob ng kumot ang pang-ibabang bahagi ng katawan ay mawawaksi ang pagkalikot ng kamay nito habang napapapikit pa ang mata sa sarap. Hindi alam ni Minyong ang nangyayari pero alam niyang nasa mabuting lagay ang amo, ngunit anuman ang kanyang nakita ay lalo itong dumagdag sa kanyang pagtataka sa kung kailangan ba talaga ng ganoong kalakas na ingay sa panahon ng ulan at katahimikan.
Pagkaraan niya sa kwarto ng amo ay sumunod ang silid-palikuran. Doon natagpuan niya ang kanyang ate na nagkukuskos ng sahig. Napansin ni Minyong na sobrang diin magpunas ng kanyang Ate na parang bang galit ito sa dumi at hinahangad makita ang sarili mula sa kintab na dulot ng sahig. Bagaman namamangha si Minyong sa sipag ng kanyang ate, hindi pa rin niya maatim kung bakit ba kailangang kuskusin pa ang banyo. Sa isip ng bata, madumi naman na ang inidoro kaya’t ano pang silbi para linisin ang lagi namang nadudumihan? Hindi ba’t kasayangan lang ito ng lakas at panahon? Puno talaga ng kalokohan ang mga matatanda!
“Ate, anong ulam?” Bati ng bata.
Nagulat si Ines sa biglaang paglitaw ng kapatid. Hindi niya inaasahan ang presensya ni Minyong kasi ang alam niya, ito’y dapat nasa baba upang tulungan si Nanang maghanda ng mga putahe. Gayunpaman, napaisip siya kung bakit pumarito ang kapatid. “Anong ginagawa mo rito? ‘Di ba dapat nasa kusina ka’t tinutulungan mo si Nanang?”
“May inutos kasi sa akin. Kumain ka na ba?” Usisa niya.
“Bilisan mo’t malapit nang mag-umagahan. Kailangan maayos ang lahat sa hapagkainan para hindi nanaman tayo pagalitan ni Nanang. Alam mo naman ‘yun, masyadong mainitin ang ulo’t aligaga!” Wika ni Ines na aligaga rin sa pagkuskos. Bilang nakatatanda, batid niyang dapat lang na siya’y maging mabuting ehemplo sa nakababatang kapatid. Ngunit sa mukha ni Minyong ay ang nagtatakang imahe na kung bakit kumikilos si Ate gaya ni Nanang.
Dahil ayaw nang makarinig ni Minyong ng sermon mula sa kanyang ate. Nagpatuloy na siya sa kanyang misyon: ang sundin ang utos ng nakatatanda sa kanya. Pumaroon siya sa pinakadulong silid at huminto ng saglit. Naisip niyang pangalawang beses palang niya itong makakapasok sa kwarto ng kanyang amo. Sa huling pagkakaalala niya ay napakalaki ng silid na ito para sa isang tao. Ang sukat nito ay kasing laki ng pinapangarap niyang bahay. Ngunit nalungkot siya ng sandali sapagkat naalala niyang nangangarap nanaman siya ng gising.
Tumuloy ang bata sa loob ng silid at muntik malusaw ang kanyang mga mata sa sinag na taglay ng mga alahas at muwebles na yari sa ginto. Dagdag pa rito ay ang kislap ng malaking salamin na tumambad sa kanyang harapan. Ngunit sa pagtatangkang maaninag ang kanyang repleksyon ay mas tumitindi ang sinag ng karangyaan sa kanyang paningin. Nagpatinag si Minyong at nangakong hindi na muling tititig pa sa dakong yoon sapagkat ang kalungkutang kanyang nadarama ay lalo lang lumalim at lumubha.
Sinubukan ni Minyong halughugin ang nawawalang perlas sa lahat ng sulok ng silid ngunit kulang ang munting saglit para sakupin ang panibagong mundong kanyang ginagalawan. Hanap dito, hanap doon. Parang siyang paslit na naghahanap ng karayom sa bukid ng ginintuang dayami. Kaya ngayong araw na ito, isusuko nalang niya muna ang kanyang misyon.
Lumisan ang bata mula sa silid at muling tumungo sa kusina. Habang naglalakad, may unti-unti siyang naririnig na iyak. Muli, naghahanap nanaman siya, subalit sa pagkakataong ito, parang natutumbok niya kung saan nanggagaling ang tunog ng pananaghoy.
“Manahimik!”
Dinig ni Minyong ang pamilyar na boses. Ganito ang tono ng binatang amo tuwing siya’y irita, inis o galit. Alam niya ‘yon sapagkat lumaki siyang pinagsisilbihan ang kanyang amo. Sa bawat hakbang niya papalapit sa silid-palikuran ay unti-unting lumalakas ang tunog ng iyak na pilit pinipigilan. At sa bawat hikbing kanyang naririnig ay tumatayo ang kanyang balahibo sa katawan. Kaya sinubukan niyang sumilip ng saglit sa loob ng silid at doon ay kanyang nasaksihan ang hindi dapat makita ng isang batang gaya niya. Nanlaki ang kanyang mga singkit na mata at nanghina ang mga tuhod. Gusto niyang masuka sa kababuyang ginagawa nung dalawa. Hindi alam ni Minyong ang gagawin pero alam niyang nasa masamang lagay ang kanyang kapatid.
“Sa ating dalawa lang ito. Dahil kapag may ibang nakaalam, papatayin ko ang iyong pamilya at uunahin ko ‘yung pinakabata.”
Dali-daling tumakbo pababa si Minyong at hinanap ang matanda sa kusina ngunit doon ay wala siyang nadatnan. Sumunod ay sa garahe ngunit ni anino ay hindi rin niya nasilayan. Kabado’t napapagod na pati sa mundong kanyang kinalakihan ay hindi rin niya mahanap ang karayom sa bukid ng maruming dayami. Sa bawat segundong pumapatak, pakiramdam niya’y dahan-dahang nahuhulog ang kanyang pamilya sa bingit ng kamatayan. Kaya hindi rin niya maiwasang magpatukso sa takot at simulang umiyak.
Bigo nanaman sa kanyang paghahanap, naisipan niyang tumungo nalang sa kinaroroonan ng kanyang kapatid. Sa isip niya ay kailangan niya ng magtatanggol sa kanya. Oras na para lumaban.
TV REPORTER: …wala nang pasok. Manatili nalang pong ligtas sa kani-kanilang mga tahanan.
Dinig pa rin ni Minyong ang malakas na ingay na nanggagaling sa kwarto ng binata. Pasimple siyang sumilip sa silid, at doo’y nakita niya ang natutulog na amo. Kaya dali-dali siyang tumungo sa silid-palikuran. Doon ay nakita niya ang nagsusumamong kapatid at nagpapangaral na matanda.
“Ines, ano ba kasing ginawa mo’t ganoon ang ginawa ni Dante sa iyo? Pambihira! Alam ko na masalimuot ang nangyari sa iyo ngunit kung iaalma natin ‘to kay Donya Carmelita, tiyak ang paglisan natin dito.”
Walang imik ang dalagang nakatulala lang sa sulok ng walang hanggang kawalan. Hawak ang kakarampot na saplot sa katawan, mga tulo lang ng luha ang tanging gumagalaw sa kanyang katawan. Naaawa si Minyong sa lagay ng kanyang kapatid sapagkat ni minsan sa buhay niya, ito ang unang pagkakataong nakita niyang nagkaganyan ang kanyang ate.
“Mawawalan tayo ng trabaho’t tahanan. Palampasin mo nalang ito’t kalimutan. Iyan nalang ang tanging maipapayo ko para sa ating kapakanan.”
Hindi makapaniwala si Minyong sa sinabi ng matanda. Hindi niya maintindihan kung bakit pumapanig ang kanyang Nanang sa nanakit sa kanyang kapatid. Ramdam niya ang pagsuko ng matanda sa hamon ng karahasan. Dahil dito ay napuno ng poot ang bata sa puntong napasabat siya sa usapan ng dalawa.
“Nanang, kailangan nating lumaban! Si Ate ang biktima dito.”
“Walang respetong bata! Bakit sumasabat ka, ha? Wala kang alam dito.”
“Nasaksihan ko ang lahat. Nakita ko ang ginawa niya kay ate.”
“Punyeta, hinaan mo ang iyong boses. Sa atin-atin lang ito. Walang magsusumbong.”
“Pero—“
“Manahimik!”
Simula na muli ang araw ng paninilbihan para sa pamilya Guevarra. Agad na tumilaok ang problemadong matandang si Nanang Kusing para pangaralan ang mga apo na maghanda na para sa panibagong umaga. Ilang saglit lang ay bumangon na si Minyong at agad sumulyap sa kanyang kapatid. Tulala pa rin ito at mukhang hindi pa natutulog mula sa bangungot ng kahapon. Sinubukan niyang kumustahin ang lagay nito ngunit tanging bulong lang ng hangin ang tumugon sa tanong ng bata. Muli, siya ay nahahabag dahil wala siyang magawa para sa kapatid.
Habang lumisan ng silid ang matanda, marahang tumabi si Minyong kay Ines. Nag-isip-isip ang bata sa kung ano kaya ang mga maaaring mangyari sa susunod at nanlaki bigla ang kanyang mga mata sa kinahantungan ng kanyang pagtatanto. Agad siyang nag-impake ng mga damit nilang magkapatid ngunit sa kalagitnaan ng kanyang paghahanda, nahanap niya sa wakas ang perlas ni Donya Carmelita at ang kanyang laruan sa ilalim ng unan ni Nanang Kusing.
Wakas.