Mabuti pa itong unan,
hindi ako iniwan.
Sa lamig at sa init,
sa kanya ako kumakapit.
Madaldal ako at makuwento
pero hindi siya nagrereklamo.
Tahimik na nakikinig
hanggang sa
maglupasay ako sa kilig
at pagsisigawan siya.
Natitiis niya
kahit magmukha na akong tanga
dahil sa saya at ligaya.
Lagi kong ramdam ang yakap niyang
"Masaya ako para sa'yo."
Madaldal ako at makuwento
pero hindi siya nagrereklamo.
Tahimik na nakikinig
hanggang sa
tumulo ang mga luha
at pagsusuntukin siya.
Natitiis niya
kahit magmukha na akong tanga
dahil sa sakit at pighati.
Lagi kong ramdam ang yakap niyang
"Nandito lang ako para sa'yo."
Mabuti pa itong unan,
hindi ako hinusgahan
at hindi lumisan
kahit lahat ay kanya ng alam.