Araw-araw natatakot ako sa aninong nasa likuran ko
Kahit saan ako lumiko
Kahit anong klaseng pag-iwas ang gawin ko
Hindi ako makatakas sa sumpang ito
Kaya sa bawat segundo,
natatakot ako.
Natatakot akong baka isang araw,
hindi na lamang siya isang anyo ng pagbabalik-tanaw.
Baka isang araw, mabunyag na ang ginawa kong pang-aagaw
na isa lamang pala akong singaw
na naglalahong parang bula sa pagsikat ng araw
at ako pala ang dahilan kung bakit siya ay naligaw
kung bakit isa lang siyang pagbabalik-tanaw
Ako ang nang-agaw
pero ayokong bumalik sa likuran
ayokong maranasang matalikdan
maiwang luhaan
Kung kaya ko namang gawin ang lahat para hindi tuluyang maiwan.
Ngunit kapag bumalik ang aninong iyon,
mahalin mo pa rin kaya ako?
Mahalin mo pa rin kaya ako gaya ng ginagawa mo?
Gusto ko man siyang makilala
pero natatakot ako na sa oras na maalala mo ang koneksyon ninyong dalawa
ay makalimot ka
at mabura ang pangako mong hindi mo kami ipagkukumpara.
Bawat araw, natatakot ako.
Natatakot na kapag nagkita kayo,
maitapon mo na lang ako.
Takot na takot ako
na magbago ang lahat ng kinasanayan ko.
Kaya sa anino na nasa likuran ko,
pakisuyo,manatili ka na lamang dyan.
Pakisuyo.
Haharapin kita kapag kaya ko ng mawala ang lahat.