Ayokong matulog
Natatakot kasi akong baka sa pagpikit ng mga matang ito,
ay bigla na lang akong mauntog
at magising sa imahinasyong ito
Sa imahinasyong masaya ang maging ako
Alas dose pasado na pero mulat pa rin ang mata ko
Hindi ko maipagkakailang gusto kong matulog ng mahimbing
pero may mga bagay na humahadlang sa aking munting hiling
Yung bagay na yon ang ikinatatakot kong mawala pagmulat kong muli ng aking mata
Kaya ayokong pumikit kahit saglit
Ayokong matulog kahit iglip
Idinadaan ko na lang sa tula ang lahat
kasi sa bawat paghabi ng letra sa aking sulat
Makikita ang kaunting saya na gusto kong mabakas sa akin
na gusto kong manatili sa akin
Ayokong matulog kasi kapag pumikit ako,
makikita ko ang anino ng pagkabigo
Makikita kong sa likod ng mga ngiti ko,
naroon ang totoong ako
Makayuko
Bakas ang pagsuko
sa mga bagay na alam nyang walang saysay dahil hindi totoo
Naandoon lang ako sa gilid
Nakatingin sa masayang tawanan ng mga tao na halos mapatid na ang litid
Naiinggit ako sa kanila
kasi alam kong totoo sila
pero ako,
alam kong walang ako ang nananatili sa mundo
dahil ang ako na kilala mo ay bunga lamang ng iyong paglikha
bunga ng pagdidikta
sa isang walang muwang na bata
Ako ang iyong nalikha.