Sa tuwing hindi sapat ang lamig ng gabi
Upang patulugin ang pusong napagod magkimkim
Ng lahat ng sakit at sugat na idulot sa'yo ng mundo,
Unti-unti kong aangkinin lahat ng ito.
Sa tuwing hindi sapat ang mga yakap ng kumot;
Mga yakap na pinapantasyang nagmula sa mga bisig mo.
Wari bang sa oras ng takipsilim lang nagagawang makalimot -
Limutin bawat pagsintang natakot na ipadama sayo.
Sa tuwing hindi sapat ang lambing ng unan
Tila ba maging pagtulog ay hindi matagpuan
Na kung saan sa pagitan ng panaginip at paggising
Anino mo'y dahan-dahang naglalaho sa'king paningin.
Sa tuwing hindi sapat ang kislap ng mga butuin
At ang bilang ng bawat panalangin,
Kay Bathala ko mismo hihilingin
Ang pagkahilom ng bawat piraso ng 'yong pusong handa kong pulutin.
Sa tuwing hindi sapat ang buwan
Upang paliwanagin ang sangkalupaan.
Nakapikit kong tahakin ang daan
Patungo sa mundong tayo lang ang may alam.
Sa tuwing hindi ka sapat sa oras ng hatinggabi
At sa mga sandaling napagod ka ng humikbi
Kinakailangan ko ng maging makata
Upang iyong luha ang maging mismong ritmo nitong tula.