Launchorasince 2014
← Stories

Blangko


Hindi ko alam kung anong nangyayari. Nagmamakaawa na ako sa mga panulat ko na tulungan ako. Pinakiusapan ko na rin ang mga papel na 'wag munang mapunit kapag natutuluan ng luha.

Hindi ko maikurba ang pluma, hindi maka-sirko't makagawa ng mga letra. Naubusan ng inspirasyon.

Sige, umpisahan ulit natin sa pinakamadali. Tungkol sa pag-ibig. Ilahad ang nararamdaman at hindi ang nakikita.

Hindi epektibo.

Binitawan ko ang panulat. Tumayo ako at pinagmasdan ang paligid mula sa aking bintana. Madilim ang gabi, maliwanag ang tala sa kalangitan gayon din ang mga ilaw na nagmumula sa mga sasakyan at gusali.

Hindi pa ba sapat itong nakikita ko para makagawa ng akda?

Nasa harap ko na ang istorya, kailangan ko lang hukayin ang gusto nitong mensaheng iparating pero hindi epektibo. Hindi gumagana ang isip ko.

Tinungo ko ang kama. Nakipagtitigan sa kisame.

"Bakit ba hindi ako makasulat?"

Paulit-ulit na tanong ko sa sarili. Ano bang problema?

Bakit kahit ang mga tinatago kong demonyo ay hindi ko na rin kayang gawan ng kwento?

Hindi ako kumukurap habang tuwid ang tingin ko sa kisame hanggang sa mapansin ko ang mga alikabok at agiw nito.

Madumi na rin pala ito.

Hindi ko na mabuksan ang aking imahinasyon.

Tapos na kaya ang isyorya?

Matibay kaya itong kisame?

Tapusin ko na kaya?