Para sa akin kahit na anong status mo sa buhay, mayaman ka man o mahirap, life will always be better in your imagination. Sa imagination mo, hindi pinanganak ‘yung mayabang at antipatiko mong kaklase. Sa imagination mo, mas marami ‘yung pera mo. Sa imagination mo, magiging girlfriend mo ‘yung babaeng pinapangarap mo. Pwede kang maging superhero, ang pinakagwapong tao sa balat ng lupa, isang dragon slayer, at kahit anong naisin ng puso mo. Sabi nga nila, “Libre lang mangarap.”
May mga iba’t ibang dahilan kung bakit tayo nangangarap. Ewan ko kung bakit ko ginagawa ito. Baka dahil bored lang ako, baka hindi nakakawili ang tunay na buhay para sa akin, o kaya naman baka dahil hinihintay ko lang ‘yung taong magbibigay ng kahit na konting kulay sa mga araw ko, ‘yung asteroid na babangga sa mundo ko at magbabago sa axis nito, ‘yung deus ex machina sa kwento ko.
Naging habit ko na ang pangangarap nang gising. Titingin lang ako sa labas ng bintana at iisipin kong magiging hangin ako at makakatakas ako mula sa kulungang tinatawag nilang classroom. Kaso ayaw ‘yon nung mga teachers ko kaya madalas akong tinatawag para makuha ‘yung atensyon ko. Magugulat na lang silang nasasagot ko ‘yung tanong sa board na parang alam ko nang itatanong sa akin iyon. Babalik ako sa upuan ko at babalik sa mundo ko ng mga pangarap.
Minsan naman ay gumuguhit ako sa notebook ko. Smiley faces, t-shirt designs, mga maiiksing komiks na may unquotable quotes. ‘Pag nakita mo ‘yung mga notebooks ko, mas marami pa ‘yung mga doodles ko kaysa sa mga lesson notes.
Pag-uwian na ay pipilitin akong kausapin ng mga kaklase ko. Minsan magsasalita ako pero madalas makikinig lang ako. Wala akong alam sa mga hilig nila at konti lang ang naiko-contribute ko sa usapan. Pagkatapos ng conversation ay balik na ako sa nakasanayan kong mundo. Uuwi ako pagkatapos nilang umalis. Naglalakad akong mag-isa, sumasakay ako ng LRT mag-isa, bumibiyahe ako pauwi mag-isa.
Nakakarating ako sa bahay nang 6:00 pm. Nagluluto na ng dinner ‘yung katulong namin sa bahay. Aakyat ako sa kwarto ko at magpapalit kaagad ng damit then diretso na sa pagko-computer. At madalas gan’on lang ang mga nangyayari. Halos nagiging isang cycle lang ang mga araw ko. Monotonous, repetitive, uninteresting. Uulit lang ang cycle kinabukasan, at sa kinabukasan, at sa kinabukasan, repeat til fade. Madalas iniisip ko lang ang kalayaan habang nasa klase ako.
Kinabukasan ay nakita ko ‘yung ex-crush kong si Rose. Nasabi kong ex-crush kasi huli na nang malaman kong isa pala siyang femme lesbian. Halos isang taon kong inakalang may pag-asa ako sa kanya pero hindi ko sukat akalain na babae rin ‘yung gusto niya. Isang buwan na ‘yung tagal ng relationship niya nung nalaman ko. Kalandian niya si Mary, ‘yung girlfriend niya, sa sulok ng kwarto. Umupo ako sa 2nd row at pinabayaan ko silang mag-usap at maglambingan doon.
“I love you, baby,” sabi ni Rose bago siya lumabas ng classroom namin, kung ano man ang gagawin, wala akong alam. Nag-doodle na lang ako sa notebook ko hanggang sa tinawag ni Trevor ang pansin ko, isa sa mga kaklase ko at ang pinakamalapit na pwede kong ituring na isang kaibigan.
“Pare!” sabi niya sa akin.
“Ano ‘yun?” tanong ko.
“Seryoso, ang hot pa rin ni Rose para sa akin.”
“Bahala ka sa mga fetishes mo.”
“Hindi ka natu-turn on sa mga lesbians?”
“Hindi, kung malalaman mo na tibo pala ‘yung crush mo.”
“Ano ka ba naman? Parang wala ka nang pag-asa diyan. Malay mo, baka biglang magbago ang isipan ni Rose.”
“Wala na tayong magagawa pa diyan. Hayaan mo na ‘yang pantasya mo,” dagdag ko habang mas lalo nang nahahalatang naiinip na ako sa usapang ito.
Nagsalita pa siya doon pero hindi na ako nakinig dahil nag-drawing na lang ako sa notebook ko. Kung saang lupalop na ng mundo napadpad ang isipan ko. Siyempre, hindi ko na naiwasan pang maisip si Rose at ang alternate timeline kung saan nangyari ‘yung gusto kong mangyari. Sino ba naman ang taong gusto ng rejection? Binigay mo ang lahat ng effort, oras, pati damdamin mo para lang sa isang bagay tapos sa huli ay malalaman mo na lang na para lang sa wala ang lahat ng paghihirap mo at maiiwan ka na lang doon. Pero sino ba ako para magreklamo? Wala rin naman akong patutunguhan, walang mararating, walang maaabot. Nangyari na ang lahat at wala na akong magagawa pa. Hinihintay ko na lang na matapos ang bangungot para mawala na ang lahat ng ito.
Pagkatapos pa ng ilang minuto ay dumating na nga ‘yung mga douchebags ng section namin. Sabay-sabay sila sa pag-upo sa mga upuan nila. Ang lakas ng amoy ng mga mumurahin nilang pabango. Mukhang hindi nila alam kung paano magdahan-dahan sa paglagay nito o kaya naman ay gusto lang nila ang amoy. Sanay na kasi, eh. ‘Yung mga buhok nilang nagtataasan at naghahabaan ay nakakairita para sa akin. Itong inis ko para sa grupo nila ay hindi ko ma-describe nang matino. Sa aura na yata nila nakatatak ang mga katagang “Isa akong douchebag habangbuhay. YOLO!”
May isa akong mayabang na kaklase na gustong makipag-high five sa akin. Gusto kong talagang sabihin sa kanila na sinisira nila ang concept ng isang high five. Para sa akin, ang mga high five ay reserved para sa (1) approval ng isang astig na ginawa, (2) puri para sa isang astig na nagawa at, (3) sa mga tunay na magkakaibigan lang. Ang mga high five, tulad ng virginity, ay hindi mo binibigay nang basta-basta sa kung kani-kanino. Kahit na ganon, binigay ko pa rin sa kaniya ‘yung high five na taeng tae na niyang makuha. Sarili kong batas, hindi ko pa masunod. Pambihira. Bumalik na lang ako sa ginagawa ko.
Dumating ang professor namin at nakasunod sa kanya si Rose. Tumabi ulit siya kay Mary at nilapag naman ng prof namin ang mga gamit niya sa table niya. Inayos niya nang konti ang long sleeves niya bago siya nagsalita.
“Maghanda ng 1/4 sheet ng pad paper. May surprise quiz tayo,” sabi niya. Shit, wala na bang ipapangit ‘tong araw na ito? Lumingon-lingon muna ako, naghahanap ng kaklaseng mahihingan ng papel. Nagbunot ng yellow pad paper ang irregular student na katabi ko at humingi ako sa kanya. Buti na lang at ako ang nauna kasi napansin din siya kaagad ng mga kaklase ko at nagmadali silang lumapit sa kanya. Konti na nga lang ang natitira sa kanya tapos mauubusan pa siya? Hinati ko na lang ‘yung papel ko sa apat tapos pinamigay sa tatlo kong mga kaklase na humihingi.
Nangamote ako doon sa quiz. Apat lang ‘yung tama kong sagot. Nag-discuss ‘yung prof namin pagkatapos. Boring. Kung pwede lang sana maging mas interesado ‘yung mga lessons. Ako ‘yung unang lumabas nung natapos ‘yung period namin.
Habang naglalakad ako sa hallway papunta sa susunod na klase, pinakinggan ko ‘yung mga kanta sa cellphone ko. Medyo matagal na rin mula nung huli kong dinagdagan ‘yung mga kanta ko. Naka-set sa shuffle pero predictable pa rin ang kinalabasang kanta. Puro na lang Panic! at the Disco, at Coldplay, at The 1975 ang mga tugtugin ko araw-araw. Nagsasawa na ako kaya tinigil ko kaagad ang pakikinig pagdating ko sa klase.
Mas nakakainip ‘yung sumunod na klase kaysa doon sa nauna. Mabagal magsalita ‘yung matandang professor naming nagtuturo ng Earth Science at mararamdaman mo talagang bumagal ang takbo ng oras. Kahit na ilang beses mong tingnan ‘yung orasang nasa taas ng whiteboard, mapagkakamalan mong hindi ito gumagalaw. Nanunukso ang bawat tick at ang bawat tock. Pinapaalala ng orasan na matagal pa bago ang dismissal. Ibang klaseng teacher ang meron ka kung may superpower siya: ang ipahinto ang galaw ng oras.
Tinanaw ko ‘yung football field sa labas ng bintana ng classroom. Nagpa-practice ‘yung football team sa labas, tirik na tirik ang araw at nangingitim na sila dahil sa overexposure. Pawisan at pagod, pinaghahahabol at pinagsisisipa nila ang itim at puting bola sa field. Balita ko ay may laban sila sa susunod na araw at matindi ang kalaban kaya matindi rin ang training.
Hindi ko maisip ang sarili ko na naglalaro ng sport na gan’on sa initan. Ayoko pa namang naglalaro sa initan. Nagsisipaan lang naman sila doon ng isang bola. Nasaan ang thrill, ang excitement, ang suspense doon? Mas marami pang nangyayari sa 2 minutes ng basketball kaysa sa 2 minutes ng football. Kung sa bagay, gan’on lang din naman ang basketball, medyo repetitive. Shoot, kunin ang bola, dalhin sa kabilang panig ng court, i-shoot ulit. Minsan may steal, minsan may foul. Pero gan’on din ang mga nangyayari mostly. Shoot, kunin ang bola, dalhin sa kabilang panig ng court, i-shoot ulit.
Bigla na lang akong nakarinig ng tawag na nagpabalik sa akin sa klase at sa mabagal na oras.
“Pare, tinatawag ka ni sir!” sabi ni Trevor sa akin. Lumingon ako at nakatingin na sa akin ang buong klase.
“Y-yes sir?” tanong ko. Nauutal at kinakabahan, medyo nahihiya akong tumayo dahil nga hindi ko narinig ‘yung sinabi niya.
“I’m asking you what are the two types of igneous rocks,” sabi niya sa akin. Napaubo ako at sumagot.
“Uhm... there are intrusive igneous rocks and extrusive igneous rocks. Intrusive rocks are cooled down magma beneath the earth while extrusive rocks are cooled down magma above the surface of the earth.” Umupo kaagad ako at bumalik sa pag-iisip. Bumalik din sa pagdi-discuss ‘yung professor. Kung may sinabi man siyang side comment, wala na akong narinig.
Lumabas ako ng campus nung lunch na at pumunta sa Tambayan, isang kalsadang malapit sa campus na tambayan ng mga estudyante. Kumain ako doon sa karinderya ni Mang Dennis nang mag-isa. Sisig na may itlog ang ulam, Java rice ang kanin, may konting carrots at mais sa gilid ng hot plate. Nagmasid na rin ako sa paligid ko habang naghihintay na lumamig ang pagkain.
Nakita ko ‘yung isang kaklase ko sa isang subject na may pinapa-photocopy sa kabilang gilid ng kalsada. Nagmamadali siya, may hinihintay sigurong deadline.
May mga maiiingay na pulutong ng mga high school students na dumaan. Nagtatawanan at nag-uusap nang malakas na para bang mauubusan na sila ng boses mamaya lang. Nag-uusap tungkol sa mga larong kinahuhumalingan nila.
May dalawang tao, babae at lalake, na nakaupo sa table sa kanan ko. Sa itsura ng mga mukha nila, parehong silang may dinaramdam na kalungkutan. Nag-imbento ako ng mga scenario kung ano ba talaga ang kinalulungkot nila. Baka magkapatid sila at kakamatay lang ng kanilang mga magulang. O kaya naman ay magsing-irog silang dalawa at alam nila sa kanilang mga kalooban na tapos na ang relasyon nila. O baka naman kaya ay napag-tripan lang nila na maging malungkot sa araw na iyon.
Lumamig na ang sisig na nasa harapan ko. Kanina ko pa nahalo ‘yung karne, itlog, at gulay. Ang problema na lang ay ang pagkain ko nito. Tama lang ang presyo sa lasang nakuha ko. Sulit na rin. Wala na akong oras kaya tinapos ko na lang kaagad ang lunch ko.
Bumalik ako pagkatapos kong mabusog at dumiretso sa library kung saan nagbasa ako ng mga libro. At least tahimik doon at walang manggugulo. Malamig pa ang hangin ng air-con ng lugar. Napag-tripan kong basahin ang isang kopya ng literary folio ng school na nakita kong nakapatong sa isang mababang shelf.
Malamig. Tahimik. Maayos. Hindi ako pinapansin ng mga tao sa paligid ko. Ok lang, mas gusto ko ‘yun. Mas maganda kapag nasa gilid lang ako at hindi nakikilala. Ako ang papansin sa kanila kung may kailangan ako. Walang gulo pag gan’on lang ang sistema ko.
Sabihin na lang natin na natapos ang araw kung paano natatapos ang lahat ng mga araw ko. Tinahak ko ulit ‘yung daang madalas kong dinadaanan. Nakarating ako sa bahay nang mas maaga ng konti kaysa sa kahapon. Nagmeryenda ako habang nag-iinternet. Tama lang.
Tinignan ko ‘yung mga pictures sa Facebook wall ni Rose. Kahit na masakit ay gusto ko pa ring makita siyang masaya kasama si Mary para lang malaman ko kung nakakaramdam pa ba ako o kaya’y buhay pa ako. May picture siya sa isang mamahaling coffee shop sa Taft kasama ‘yung iba pang mga kaklase namin. Siyempre, nandoon din si Mary. May isang picture sila na sinusubuan siya ni Rose ng isang chocolate-dipped donut at maraming mga nag-comment.
“Ang sweet,” comment ng isa.
“Nice…” sabi ng isa pa.
May isang malaking conversation doon sa mga comments, mostly tungkol sa relationship ni Rose kay Mary. May mga tumututol sa kanilang pagmamahalan, hindi daw dapat magsama ang babae sa kapwa babae. ‘Yung iba naman walang pakialam sa relationship basta’t masaya sina Rose at Mary.
May isang lokong manyak na nag-comment doon. Gusto daw niyang makitang maghalikan silang dalawa. Gusto rin niya na siya ang mag-video sa kanilang dalawa. Loko-loko. Ewan ko ba kung bakit hindi pa niya pinapatanggal at pinapa-report ang taong ito kung sa pakiramdam niya ay harrased siya. Baka naman dahil lang sa gusto niya ang attention. Wala na akong magagawa diyan. Buhay niya ‘yan at siya ang magdidikta kung kaninong comment ang mananatili at kung kaninong comment ang matatanggal.
May nag-message sa akin habang tinitignan ko ‘yung mga iba pang mga pictures ni Rose na parang ako ang boyfriend niya kahit na alam ko namang hindi mangyayari iyon. Ginugulo ako ni Trevor. Sakto ang timing niya.
“Pare,” panimula niya.
“Ano ‘yun?”
“Alam mo ba ‘yung mga questions para sa assignment natin sa English?”
Binigay ko naman sa kanya ‘yung mga tanong. Bakit pa sa lahat ng mga kaibigan niya, sa akin pa siya nagtanong? At isa pa, sa isang araw pa naman hinihingi ‘yung assignment na iyon. Nasayang lang ang energy ko para hanapin at i-type ‘yung questions. Nagpasalamat siya.
“Oo nga pala. May importante akong dapat sabihin sa iyo.”
“Ano ‘yun?”
“Tumigil ka na sa pagsa-stalk kay Rose sa Facebook,” sabi niya. “Hindi ka na makaka-move on kung ipagpapatuloy mo ‘yan.” Bigla siyang nag-log out.
Tama siya. Dapat kaninang kanina ko pa tinigil ito. Nakakatamad kung titignan ko lang ang news feed kaya nanood na lang ako ng mga music videos. Madalas mga rock bands ang pinakikinggan ko, may konting indie rock, psychedelic rock, country, at pop rock. Pero parang may kulang pa rin. Hindi ako nakuntento, kahit na nalaman kong may bagong album pala ang paborito kong banda at kakalabas palang nung isang kanta noong isang araw. Dapat excited ako...
Kumain ako ng hapunan at nagsipilyo. Pagkatapos ay natulog na kaagad ako kahit na 9:00 pa lang at Friday na nung araw na ‘yun. Wala na rin naman akong gagawin pa.
Saturday. Gusto kong gumala kaya sinabi ko kay Mommy na lalabas ako. Pinayagan niya ako at binigyan niya ako ng Php 500. Doon sa malapit na mall lang ako pumunta at ang una kong pinuntahan ay ang bookstore doon sa likod.
Naglakad-lakad ako, tinignan ko ‘yung mga librong nasa Philippine publications shelf at dismayado ako sa mga bagong labas na libro. Halos wala na ngang bagong magpapaakit sa akin na bumili ng isang kopya at tangkilikin ang kung anong gustong sabihin ng manunulat.
Puro na lang kasi tungkol sa mga “gangsters” o kaya sa mga saksakan ng yaman na mga tao ang mga napapansin ko. ‘Yung ibang mga talagang magaganda ay hindi masyadong naipapakita. Baka nga ay natabunan na sa kasingit-singitan ng mga shelf. Hindi sa sinasabi kong wala na talagang magaganda pero nakakaawa lang tignan na ganito na ang estado ng panitikan sa amin.
May tinignan akong isang kopya ng isang bestseller nang may napansin ako sa gilid ko. Isang babae, di ko alam kung ako nga ba ‘yung tinitignan niya o may napansin siyang iba. Tumingin ako sa kanya at bumalik sa siya sa paghahanap ng isang magandang libro. Kinuha niya ang isang libro doon at binasa ang synopsis sa likod nito.
Medyo mahaba ng konti ang buhok niyang may dilaw na headband. Nakasuot siya ng isang orange na blouse, maong na pants at black na high-cut canvas shoes. Simple pero maganda na may konting weird. Hindi niya siguro intensyon na tumingin ulit sa direksyon ko pero nagkatitigan kami. Ngumiti siya at nag-half-smile ako. Binalik niya ang libro sa shelf at naglakad paalis. Ilang segundo rin siguro akong nakatunganga doon bago ako naglakad ulit at tumingin ulit ng mga libro.
Dahil may extra pa akong pera ay bumili ako ng isang libro. Php 240 ang halaga nung pocketbook-sized na librong kulay light blue. Kumain ako doon sa food court tapos naglaro ako doon sa arcade sa 3rd floor. Pagkatapos ay pumunta ako sa department store para tumingin ng mga sapatos at mga t-shirt. Umuwi na kaagad ako pagkatapos kong magsawa. Hindi ko alam na 1:30 pm pa lang pala nung nakaalis ako. Ang bagal ng oras.
Habang nakasakay ako sa jeepney ay hindi ko maalis-alis ‘yung babae kanina sa isipan ko. Mag-enjoy na ako habang nasa isipan ko pa siya. Makakalimutan ko rin siya pagkatapos ng dalawang linggo.
Binasa ko ‘yung librong binili ko nung nakabalik na ako at nagustuhan ko ‘yung kwento. Sa kakabasa ko ay nasa 14th chapter kaagad ako. Napansin ko na lang na nakahanda na ang hapunan kaya kumain kaagad ako.
Bumalik ako sa kwarto ko at tinext ko si Trevor.
“May nakita ako.” Hindi na siya nag-reply. Hinintay ko lang na lumipas pa ang oras bago ako bumalik sa librong nagpabighani sa akin. Tinuloy ko ang pagbabasa hanggang sa napansin ko na lang na nakatulog pala ako.