"Anak may dalawang uri ng pag-ibig."
Ito ang palaging sinasambit ni Nanay
sa tuwing inuutusan niya akong mag-igib
at mag-imbak ng tubig.
Kasabay ang pagbagtas ko sa maruming kalsada ng Pasay
Hindi ko mawari kung ano nais niyang ipabatid.
Dahil para sa akin, iisa lamang ang uri ng pag-ibig.
Ito ri'y 'di maunawaan maging ng aking kapatid.
Kaya't ipinagsawalang bahala ko na lamang ito
at hinintay ang misteryosong kulay ng mga ulap sa alapaap tuwing takipsilim.
Takipsilim noong maaninag ko ang kalawakan na taglay ng iyong mga mata.
Hindi na inalintana ang pag-aagaw ng dilim at liwanag
tinakbo ko ang paligid at hinanap ka na parang isang bata.
Tila nagkaroon ng himagsikan sa aking dibdib
noong nasilayan ko ang ngiti sa malasutla mong mga labi.
Subalit taksil nga talaga ang tadhana, tinapos niya ang lahat nang hindi pa tayo nagsisimula.
"Nay, Diba? Talagang isa lang ang uri ng pag-ibig"
Ngunit...
Sa pagitan ng paglisan mo, at pananatili ko
Sa gitna ng pagbitaw mo, at pagkapit ko
Sa maliit na espasyo kung saan naglaban ang pagsuko mo at paglaban ko,
Nasilayan ko ang dalawang uri ng pag-ibig sa iisang mapaglarong mundo na hindi itinadhanang mabuo.
"Tama nga nanaman si Nanay"
- // i r . c