Sabi ko sa sarili ko noon, kapag naka-drawing ako ng galaxy, masaya na ako. Bumili pa ako ng liquid eraser para kunwari may mga bituin. S'yempre galaxy 'yon.
Hindi ko 'yon madaliang nagawa. Naka-ilang pilas, lamukos na ako ng papel saka madami na ring nasasayang na pastel at liquid eraser kasi hindi ko natatapos. Alagang-alaga pa naman ako sa white na pastel ko kasi hindi ko maintindihan kung bakit ang bilis niyang maubos samantalang binabalewala ko lang dati.
Hanggang sa isang araw, blangko ang isip, walang plano kung ano-anong kulay ang gagamitin ko basta kukuhain ko lang kung anong gusto ko. Nakipag-away pa ako sa kinder kong kapatid para pahiramin niya ako ng lapis. Madalas kasi akong nagdo-drawing ng walang lapis kasi ewan ko ba, pakiramdam ko hirap na hirap 'yung kamay kong i-kurba 'yung lapis. Natatakot magkamali. Pakiramdam ko may batas akong kailangang sundin kapag gumagamit ako ng lapis.
Palagi ko pang sinasabi na hindi ako nagdo-drawing, nagkukulay lang ako.
Naglapis muna ako para pantay 'yung mga buildings. Inisip ko na lang na hindi 'to magiging mahirap kasi straight lines lang 'to. Tutulungan ako ng ruler.
Tapos, magkukulay na ako. Kinuha ko 'yung black, dark blue,blue, sky blue, purple saka white. Sigurado akong mayroon pa silang mas komplikadong pangalan, hindi lang ako gaanong pamilyar.
Umaayon naman lahat sa gusto ko. Blend-blend ng kulay hanggang sa matapos ako. Nakatingin lang ako sa gawa ko. Pawis, namamanhid ang mga kamay at puno rin ng pangkulay. Para akong nakipaglaban. Habang tinitignan ko ay naiisip kong parang may kulang -- nang mapagtanto ko ay hinanap ko agad iyon para naman madagdagan ng buhay ng gawa ko.
Ubos na pala.
Napaisip tuloy ako kung gaano karami ang pagkakamali ko kaya naubos na agad ang liquid eraser. Masyado atang pinamukha ng gawain na 'to na hindi ako perpekto. Wala man lang ako sa kalingkingan ng ibang magagaling o kahit ng ibang marurunong.
Sa susunod ko na lang lalagyan ng mga bituin.
Lumipas ang oras at araw, gumagawa pa rin ako ng mga makukulay kong kalawakan. Nasanay na ang mga kamay kong maghalo ng mga kulay.
Kanina lang, tinignan ko ulit 'yung clear book na ginagamit kong pang-compile ng mga kunwaring art works ko. Bakit ... parang ... hindi ako masaya. Ilang beses na akong nagdo-drawing ng galaxy na walang mga bituin. Madami na rin akong artworks na walang buhay.
Sabi ko sa sarili ko noon, kapag naka-drawing ako ng galaxy, masaya na ako. Bumili pa ako ng liquid eraser para kunwari may mga bituin. S'yempre galaxy 'yon.