Launchorasince 2014
← Stories

HINTAY

Pakiramdam ko ay buong buhay kong inilaan ang sarili sa paghihintay.

Paghihintay sa pasalubong ni Papa galing sa trabaho.

Paghihintay sa pagsundo ni Mama sa akin sa eskwelahan.

Paghihintay sa araw ng Linggo para kumain sa Jollibee.

Paghihintay sa kapatid kong ipapanganak.

Paghihintay sa mga marka pagkatapos ng pagsusulit.

Paghihintay sa resulta ng botohan.

Paghihintay sa panahon na magbukas ang kanilang isipan.

Paghihintay na mahulog ang durian.

Paghihintay sa pagkakahinog ng mangosteen.

Paghihintay sa pagkakataong matauhan siya.

Paghihintay sa araw na makaalis sa sekondarya.

Paghihintay sa bakasyon upang makauwi sa pamilya.

Paghihintay sa baon linggo-linggo.

Paghihintay sa katapusan ng bawat semester.

Paghihintay sa paputok tuwing Pasko at Bagong Taon.

Paghihintay sa update ni jonaxx sa Wattpad.

Paghihintay sa kanyang pagtugtog ng gitara sa telepono.

Paghihintay sa bagong music video ng One Direction.

Paghihintay sa bagong kanta ni Ed Sheeran.

Paghihintay sa regalo niyang malambot na teddy bear.

Paghihintay sa pagbigay ng aking diploma.

Paghihintay sa aking pag-uwi sa lupang sinilangan.

Paghihintay na makita siyang muli at mahawakan.

Paghihintay sa resulta ng licensure exam.

Paghihintay sa pagtigil ng aking pagluha dahil kay Noah.

Paghihintay sa pagdating ni Elijah sa aking piling.

Paghihintay sa malalaking butanding sa Oslob.

Paghihintay sa paglapag ng eroplano sa Maynila.

Paghihintay sa closure na matagal ko ng hiling.

Paghihintay sa pagsang-ayon nila sa muli kong paglayo.

Paghihintay sa unang araw ng unang trabaho.

Paghihintay sa kauna-unahang sweldo.

Paghihintay sa paglapat ng kanyang mga labi sa akin.

Paghihintay sa pagsulyap ni Gatas tuwing umaga.

Paghihintay sa kanyang pagsagot sa aking mga tawag.

Paghihintay sa apat na araw para makasama ang pamilya.

At sa lahat ng paghihintay ko, ang pagsulyap sa telepono para sa isang reply ang pinaka ayaw ko.

Alam kong mababaw na paghihintay lamang ito ngunit ang epekto nito'y tumatagos sa puso.

Buong buhay akong naghintay sa mga bagay na may kabuluhan. Siguraduhin mo lang na hindi ka pansamantala lamang.