Launchorasince 2014
← Stories

⁹⁵ Ikaw at ang Buwan

Iniisip kita.
Habang hinihintay mo ang pagsulyap ng buwan, nakatayo ka sa alapaap, katabi ng aandap-andap na bituin.
Kay tagal mong ninasa ang sulyap ng pagmamahal ng buwan.
Hindi mo naramdamang nasa tabi mo lamang ang bituing handa kang mahalin ng lubusan.
Wala kang nakita sapagkat naging bulag ka.

Hinintay mo ang maningning na buwan. Hindi mo namalayang namatay na ang mumunting liwanag na siyang nagsilbing gabay mo noon sa iyong madilim na kahapon.
Ang bituing nanatili sa tabi mo habang tinatahak mo ang landas patungo sa buwan.

Hindi mo napansin ang kadilimang bumabalot sa iyo dahil sa bituin na iyong katabi.
Para sa iyo, wari ngang walang halaga ang bituing iyon.
Sa paglipas ng oras, sa mga panahong hindi na pansin ang buwan, saka mo nakita ang halaga ng kanyang ningning.

Pumatak na ang aking mga luha,
mga luhang kasabay ng pagbagsak ng bituin sa lupa.

Mga bagay na lumikislap-kislap ngunit kay daling napaparam.
Katulad ng pag-ibig, kapag winalang saysay, ito'y naglalaho.
Naglalaho hanggang sa hindi na mag-iwan ng bakas.
Mga bakas na makikita lamang tanging sa nakaraan.

Nakalimutan mo ako, na isang munting bituin, sa paghahabol mo sa isang maganda at maliwanag na buwan.
Nakalimutan mong minahal ka nang bituing abot kamay mo lamang ngunit pinili mong talikuran kasabay ng paghabol sa tinitingala mong buwan.

Ngayong hinahanap mo ang liwanag ko, natanto mong ako'y malayo na.
Nalungkot ka sapagkat hindi mo pinahalagahan ang dating sa iyo.