Launchorasince 2014
← Stories

Ina

Ina, sila yung nagbibigay kasiyahan at liwanag ng isang tahanan
Ang sarap lamang isipin na maranasan ang pagkalinga at pag-aalaga ng isang ina
Isang ina na walang sawang magmamahal at mag-aaruga sa bawat miyembro ng kaniyang pamilya.

Naaalala ko pa nang minsan kaming magkakwentuhan ng aking ina
Kwentuhan mula sa aking pagkabata hanggang sa pagkabinata
Dito ay naalala ko at naramdaman ko na grabe pala talaga ang sakripisyo ng isang ina

Isang ina na kung sagot-sagotin ko ay akala ko ay ako ang nagluwal sa kaniya
Isang ina na kapag uutusan ako ng aking ama ay siya na ang gumagawa dahil ayaw niyang napapagod ako
Isang ina na handa akong pagpasensiyahan sa lahat ng aking maling desisyon at mga kamalian

Isang ina na hinding-hindi ako pababayaan at iiwanan
Isang ina na laging mag-aalala sa tuwing ako ay wala sa tahanan
Isang ina na handang magpakahirap, makamit ko lamang ang aking mga pinapangarap

Isang ina na walang hinangad kundi ang aking kaligtasan at kasiyahan, kahit pa ito ay may kalakip na kamalian
Isang ina na lagi akong susundan sa inuman at sugalan
Isang ina na mananahimik na lamang kung may nararamdamang kahirapan o karamdaman

Isang ina na labis labis ang saya kapag ako'y may nakuhang katagumpayan sa buhay
Isang ina na gagawin ang lahat kahit walang kapalit o bayad
At higit sa lahat, isang ina na handang ibigay pati ang sarili niyang buhay at kasiyahan

O kay sarap lamang isipin na may isang tao na gano'n na lamang ang pagmamahal sa akin bilang isang anak at tao
Napakasarap din palang alalahanin ng mga panahon na ako pa ay nasa kaniyang sinapupunan

Madalas sa kwentuhan ito'y aking napapakinggan
Tila ba nananalo araw-araw sa lotto ang ngiti ng ina, kapag ako'y hinahawakan sa labas ng kaniyang sinapupunan
Ngunit nang ako ay lumaki at tumanda ay parang nakalimutan na ang nagluwal at pinanggalingan dahil sa mga pinagkakaabalahan
Pagkaabala sa mga bagay na puro kalokohan
Ngunit gano'n pa man ay lagi akong makakaasa na hindi niya ako bibitawan at pababayaan

Sa tuwing maririnig ko ang mga ala-ala na ito ay bumabalik din sa aking isipan na paano na lamang ako kung ang ina'y maagang lumisan?
Paano na ako kung ako'y walang inang kinagisnan?
Paano na lamang ang buhay ko kung ako'y kaniyang pinabayaan at iniwan?
Paano na lamang ang pagkatao ko kung ako'y hindi niya inalalayan?

Ilan lamang 'yan sa mga katanungang bumabalik sa akin kapag narinig ko ang usapang pagkabata
Kaya kung ako man ay tuluyan niyang iwanan?
Lagi ko siyang aalalahanin at pasasalamatan
Pagpapasalamat na kailanma'y di ko kayang sabihin nang harapan
Tulad ng salitang ina, mahal na mahal kita

Nakakalungkot lamang isipin na kung kailan wala na siya ay do'n ko pa namalayan at naunawaan ang mga ginawa at sakripisyo niya
Kaya ina, habang tayo'y magkasama pa at di ko man masabi sa'yo na ako'y nag-aalala at ikaw ay mahalaga Palagi pa rin akong mananatili sa iyo at ipaparamdam na ikaw ay mahalaga

Kaya muli, maraming salamat ina dahil ikaw ang aking naging ina at aming liwanag ng pamilya at tahanan
Kailanman ay di ko matutumbasan ang iyong kabaitan na ginawa at nagagawa

Salamat sa pagpapaalala ng aking halaga sa pamilya
Maaari akong pumili ng kaibigan, kasintahan, kainuman, kasugalan, at kakwentuhan
Subalit hinding-hindi ako maaaring pumili ng magiging magulang
Kayat hanggang dito na lang muna ang aking paghuhugutan
Ina, mabuhay ka nang malaya, mahaba at wala nang kalungkutan!