Launchorasince 2014
← Stories

Kagat-Dila

Gustong-gusto kong pag-usapan ka sa iba.
Gusto kong malaman nila kung paano ako nasaktan.
Sisimulan ko sa umagang tayo'y nagpaalam.
Isusunod ang mga araw na ang mga mensahe mo'y wala nang laman.
Hanggang sa natigil na ang mga palitan.
Hanggang sa wala ng dumating na kamustahan.

May nagtanong kung ilang araw na simula noong tayo'y naghiwalay.
Natawa ako pero may kirot na kasabay.
Gasgas man ang linya pero iyon naman talaga ang bagay,
"Walang nangyaring hiwalayan," sagot ko kay inday,
"Dahil hindi naman naging kami kahit isang araw sa aking buhay."

"Bakit?" mas natawa ako at mas kumirot ang puso.
Bakit nga ba?
Kasi wala tayo sa tamang lugar?
Kasi wala tayo sa tamang panahon?
Iyon ang mga gusto kong isagot pero mas pinili ko ang "Ewan."
Kung tatanungin kita ng bakit, ano ba ang iyong kasagutan?
Sana katulad din ng mga rasong itinago ko sa ewan.
Kasi kung ganoon, lilibutin ko ang sanlibutan,
At pa-iikutin nang mabilis ang lahat ng orasan,
Hanggang sa marating natin ang Tama.
Mas tatamaan ako sa'yo at tatamaan ka na sa'kin.
Hindi iyong gabi-gabi akong may tama para lang makatulog nang mahimbing,
At umasang baka bukas ay iba na ang mamahalin.

Gustong-gusto kong pag-usapan ka sa iba.
Gusto kong malaman nila kung paano ako nasaktan,
Pero mas gustong-gusto kong malaman nila kung bakit kita minahal.
Sisimulan ko sa iyong makislap na mga mata.
Isusunod ang mga ngiti mong nakakapanghina.
Hanggang sa kung paano ka mag-alaga.
Hanggang sa kung gaano ka kasarap kausap.

Kung may magtanong man tungkol sa gabing iyon,
Asahan mong ang mga alaala natin ay aking matutunton,
Pilit mang ibinabaon ngunit nahuhukay pa rin mula sa baul.
Masakit man pag-usapan pero sumasaya naman ang aking kaibuturan.
Masakit alalahanin pero masayang balikan.

Ang sarap ikuwento na para bang kahapon lang—
Kahapon lang ay gising tayo buong gabi;
Na buong gabi masaya tayong magkatabi
Habang pinag-uusapan ang buhay ng bawat isa,
At tinikman saglit ang mga matatamis na 'sana'.
Nalasing sa alak pero mas nalasing tayo sa isa't isa.
Kasabay ng pag-ikot ng aking paningin,
Ay ang pag-ikot ng aking mundo para ika'y mahalin.
Walang tigil ang hiling kong sana tumigil ang pagsikat ng araw;
Na sana'y kapiling pa rin kita sa susunod na mga araw.
Muntik ng sumabog ang puso ko sa ligaya at sarap.
Natagpuan ko ang taong hindi ko naman hinanap.

Kaya gustong-gusto kong pag-usapan ka sa iba—
Baka sakaling makagat mo ang dila mo
At may magsabi sayo ng labintatlo.
Sana ako agad ang maalala mo.