Sa napakaikling panahong nakilala kita
At nakausap ka tungkol sa mga bagay na walang kwenta
Ay di ko namamalayang nahuhulog na ako
Di ko alam kung kailan basta't ginawa ko
Wala mang saysay ang dahilan ng pagkahulog ko sayo
Di ko magagawang pigilan ang sinisigaw ng aking puso
Sa panahong nakikita kita ay kinakabahan ako
Gusto kitang lapitan pero di ko alam kung paano
Sinasabi mo sa aking wag akong mahihiya
Pero naisin ko mang pigilan ay palaging kumakawala
Nauutal ako at di alam ang sasabihin
Katawan ko'y nanlalamig at parang kinakapos sa hangin
Sa panahong malungkot ako'y nandyan ka upang makinig
At hinahayaan akong ilabas ang damdaming nananaig
Sa tuwing ganito ang nararamdaman ko
Napapalitan ito ng saya kapag kausap mo ako
Ngunit ako'y nalulumbay sa panahong wala ka
Kapag may ginagawa ka o kapag kasama mo ang iyong pamilya
Pilit kong iniintindi kahit minsa'y gusto ko nang sumuko
Dahil alam kong babalik ka upang kausapin ulit ako
Aasa na naman ako... Aasa na okay lang sayo
Ang kakulitan kong minsan ay wala na sa tiyempo
Ramdam kong hindi pero sinasabi mong ayos lang sayo
Kahit alam kong di lang ako ang tao sa buhay mo
Minsan nga nang magtanong ako kung bakit ka nawala
Ay sinabi mong di lahat ng oras, kailangang kausap kita
Ang importante'y nandyan ka kung kailangan kita
Ang importante'y kaibigan... Kaibigan kita
Tama ka... Kaibigan lang ako
Siguro wala akong karapatan upang umarte nang ganito
Dahil di naman ako ang taong mahal mo
Ang tingin mo lang sa akin ay importanteng kaibigan mo
Nagising ako sa katotohanan... Katotohanang di ko matanggap sa ngayon
Pero alam kong maiisip ko din sa paglipas ng panahon
Katotohanan na sa mundo di lahat ng gusto mo'y makukuha mo
Di lahat ng bagay ay pumapabor ayon sa iniisip mo
Lahat ng mga bagay na ito'y lingid sa kaalaman mo
Dahil lahat ng ito'y itinago ko sa loob-loob ko
At di ko ito sasabihin sa iyo dahil alam kong di mo agad maiintindihan
Di ko ito sasabihin dahil ayoko nang masaktan
Takot na takot akong mabalewala mo
Takot akong malaman mo'ng lahat nang 'to
Masaya na ko sa pagiging kaibigan mo
Dun pa lang dapat magpasalamat na ko
Mahal na mahal na mahal kita
At sana... Sana mahal ka din niya
Gusto kong maramdaman niya ang pagmamahal mo
Gusto kong makita din niya ang mga nagustuhan ko sayo
Gusto kong di masayang ang mga panahong umasa ka
Gusto kong marealize niya na ikaw ay mahalaga
Dahil hangad ko ang ikabubuti mo
Dahil kaibigan mo ako... Kaibigan mo lang ako
Kung kailangan mo ng makikinig sa problema mo'y nandito lang ako
Hahayaan kong ilabas mo ang damdamin mo tulad ng ginawa mo
Handa akong pakinggan ang mahahaba mong drama
At ibabalik ko sayo ang sayang sayo ko lang nakuha
Hindi na din ako mangungulit na kausapin mo
At kung gawin ko man ulit ay ipagpatawad mo
Siguro dahil nasanay lang ako
Na lagi kang nandyan... bilang kaibigan ko.