Kung napapagod lang ang mga salita
Marahil matagal na nila akong sinukuan.
Sapagkat napupuno ng mga salita ang aking isipan —
Mga salitang kailanma'y hindi mo nagawang pakinggan.
Kung napapagod lang itong panulat
Marahil matagal na itong bumitaw sa pagitan ng mga daliri ko.
Sapagkat nasasayang ang tinta nito.
Dahil sa mga tulang kailanma'y hindi ko magagawang ibigay sa'yo.
Kung napapagod lang ang papel
Marahil matagal na itong hindi nasusulatan.
Sapagkat ang mga salitang nililimbag ng panulat ay nawawalan ng saysay,
Kung tanging sa pagitan ng mga linya lang ito nabubuhay.
Kung napapagod lang itong kamay
Marahil matagal na itong hindi humawak ng panulat,
Marahil matagal na itong hindi sumulat ng mga salita sa pagitan ng mga linya.
Sapagkat ito'y mawawalan ng kabuluhan kung maging kamay mo'y mapapagod akong hawakan.
Kung napapagod lang itong isipan
Marahil matagal na kitang nakalimutan,
Marahil alaala nati'y matagal nang lumisan.
Sapagkat hindi ko na kinakailangan pang bumalik sa dati nating tagpuan.
Kung napapagod lang akong magsulat
Marahil hindi ko na nasimulan pa ang tulang ito.
Sapagkat Oo, aaminin ko
Hanggang ngayon hindi parin ako napapagod.
Hinding hindi mapapagod na magsulat ng tungkol sayo.