Launchorasince 2014
← Stories

Kalma

Kalma. Alaala lang yan. Malabong alaala kung paano ka nya tinabihan sa kama.
Kalma. Alaala lang yan. Alaalang nawawala pagkat di mo mawari kung paano ka nya hinubaran nang hindi ka nanlalaban.
Kalma. Alaala lang yan. Unti unti ding mawawala kapag di pinag-uusapan.
Kalma. Alaala lang yan. Alaalang hindi nila paniniwalaan sakaling magkahulihan.

Kalimutan. Piliting iwaksi sa isipan ang gabing tiwala ay winasak ng isang kaibigan.
Kalimutan. Isiping bangungot lamang ang naranasan sa kamay ng taong lubos na pinagkatiwalaan.
Kalimutan. Palitan ng masasayang alaala ang gabing pagkabirhen ay ninakaw.
Kalimutan. Ang gabing kung saan ang kaibigan ay naging isang halimaw.

Itikom ang bibig. Wala din namang makikinig. Sa huli'y ikaw pa ang sisisihin kung bakit sa sitwasyong iyan ika'y naipit.
Mga mata'y ipikit. Ibaling ang paningin sa ibang bagay upang makalimutan ang sakit.
Gawing manhid ang pakiramdam. Isiping sa ganitong paraan ay lilipas din ang nararamdamang galit.
Magpanggap na ayos lang ang lahat. Itago ang mga luha sa likod ng ngiting pilit.

Tahan na. Hindi ka nag-iisa sa mga gabing halos hindi ka na makahinga sa pag-iyak habang tinatanong ang sarili kung bakit ikaw pa.
Tahan na. Hindi ka nag-iisa sa pagkimkim ng sakit upang walang pamilyang masira.
Tahan na. Hindi ka nag-iisa sa pagsusumikap na makalimot sa gabing araw araw kang binabalikan.
Tahan na. Hindi ka nag-iisa sa pagdarasal na sana'y manalo naman sa alaalang kalaban.

Kalma. Tahan na. Hindi ka nag-iisa. Hindi ka nag-iisa.