Kapag nakita mo ako,
tumalikod ka,
magtago ka.
maglakad ka palayo.
tumakbo ka papunta sa lugar na wala ako.
Pangako,
malayo sa duwag ang itatawag ko sa'yo.
Sana'y maintindihan mo -
hindi ko pa kaya.
Hindi ko pa kaya'ng makita ang mga mata mong walang bakas ng luha samantalang ang akin ay mistulang binagyo at binaha.
Hindi ko pa kaya'ng masilayan ang mga ngiti mong totoo samantalang ang akin ay mukha lamang totoo dahil sa husay kong umakto.
Hindi ko pa kaya'ng marinig ang boses mong hinihintay ko pa rin mula sa kabilang linya samantalang ang akin ay kinalimutan mo na na parang lumang kanta.
Hindi ko pa kaya'ng malaman na may nililigawan ka na samantalang ako ay naliligaw pa rin sa ating mga alaala.
Hindi ko pa kaya'ng masaksihan ang kasiyahan mo tuwing kasama ang babaeng hindi ako samantalang kalungkutan ang lagi kong kapiling sa mga gabing wala ka sa tabi ko.
Hindi ko pa kaya'ng harapin ang katotohanang kahit kailan ay hindi ako sapat samantalang ang hiling ko sa Kanya ay ikaw lang at wala ng iba.
Oo,
hindi ikaw ang duwag
kundi ako.
Kaya ikaw muna
dahil hindi ko rin kaya -
tumalikod,
magtago,
maglakad,
at tumakbo
palayo sa'yo.