Launchorasince 2014
← Stories

Kung Papipiliin Mo Ako


Pipiliin kita

Katulad ng pagpili ko sa kape tuwing umaga.

Kung saan pantay ang tamis at pait — 

Dulot mo'y natatanging init.


Pipiliin kita

Katulad ng pagpili ko sa pantalon 

na ipapares sa paborito kong damit.

Kung saan ang higpit ng sinturon ay di alintana,

Sapagkat sapat ka lang para sa akin sinta.


Pipiliin kita

Katulad ng pagpili ko sa isang kanta. 

Paulit ulit kong pakikinggan hanggang gabi,

Kung saan hahayaan kong patulugin ako 

ng mga lirikong binuo ng bawat letra 

ng pangalan mo.


Pipiliin kita

Katulad ng pagpili ko sa mga salitang bumubuo sa tulang ito.

Kung saan ang mga puwang sa pagitan 

ng bawat berso ay pupunan mo.

Sapagkat ikaw ang pinakamagandang 

paksa na kayang kong ikwento.


Pipiliin kita

Katulad ng pagpili ko sayo.

Kung saan sa kabila ng milyon-milyong pagpipiliang 

nakalatag sa harapan ko, 

Ikaw parin ang pipiliin ko.


Pipiliin kita.

Kahit wala ka sa mga pagpipilian, pipiliin parin kita.