Launchorasince 2014
← Stories

Lalaki ka ba?


  Nagsimula ito noong minsan naglalaro kmi ng mgap pinsan ko. Naghahabulan kami nang bigla akong madapa. Pag-uwi ko ay pinagalitan ako ni Tatay sabi niya "kasalanan mo 'yan! Kalalaki mong tao, iyakin ka!"

    Palagi akong itinatali sa puno tuwing umiiyak ako kapag nakikipag-away.

    Isang araw, sa eskwelahan, pinunit ng isang kaklase ko ang test paper ko kaya  nilundag ko siya at sinuntok. Pinatawag ako sa guidance. Hindi ako pinagalitan ni Tatay sa pagkakataong 'yon. Pabulong niya pang sinabi sa'kin na "Tama lang ang ginawa mo, Anak. Lalaki ka, Ikaw dapat ang nananakit hindi ang umiiyak. Bakla 'yang kaklase mo!"

     Ngayon, nandito po ako para humingi ng tulong dahil pinaniwala ako ni Tatay sa ganoong ideolohiya.

      Hindi sila naniniwala na pinagsamantalahan ako ng amo ko. Hindi sila naniniwala na ako ang biktima. Hindi sila naniniwala na ako ang nasasaktan.

     Hindi ako bakla, tao ako, kagaya ng mga babae na p'wedeng masaktan at mamolestiya.

      Hindi ako bakla, tao ako, kagaya ng babae na nahihipuan ... nagagahasa.

      Kinailangan ko ng marami at sapat na lakas ng loob para magsabi. Marami ang hindi naniniwala dahil 'lalaki' ako.

    Sana sa pagkakataong ito, tignan ninyo ako bilang tao hindi bilang kung ano ang kasarian ko.