Launchorasince 2014
← Stories

Masaya Pero Mag-Isa

Masaya kahit mag-isa.

‘Di alam kung tunay ba.

Baka nga nagpapanggap lang.

Umaasang babalik ka pa.


Iniisip kung paano ba,

Ang lambingan natin ay nawala.

Tamis nang labi mo

Tanging lunas sa pait ng puso ko.


May nakatimbang na ba sa bigat

Nang galong-galong luhang iniyak?

Walang humpay ang hirap sa gabing ipinupuyat.

Kaya alak nalang para sa pusong wasak,

Ngunit sa panaginip ikaw pa rin ang kaharap.


Pakinggan mo ang kanta ng aking pagtangis.

Maingat na ginawa, saklaw ng aking pagmamalabis.

Pagsinok, mga mugtong mata at walang pagtahan ang puhunan.

Walang salita ang makakapaglarawan

Sa sakit na dinaramdam ng pusong iniwan.


Kaya ikukwento nalang sa mga bituin

Kung gaano kita minahal.

Ibubulong nalang sa hangin

Itong tulang isinulat nang kay tagal.

Nawa’y maging masaya ka noong ika’y aking palayain,

Tulad ng isang batang dagling natupad ang kanyang tanging hiling.