Sayang. Muntik na sana.
Ilang beses na rin ang mga muntikan,
Ang mga isang hakbang na kulang;
Ang mga prenong mabilis natapakan;
Ang mga bintanang nabuksan;
Ang mga gamot na nasa tamang lalagyan;
Ang mga kamay na handa akong pigilan.
Sayang at hindi natuloy.
Kaya narito ako at nagpapantasya na naman
Ng mga eksenang maaaring maging daan;
Ng mga pagkakataong maging dahilan
Upang marating ko na ang hangganan.
Paano nga kaya?
Sa pagtawid ko ba mamaya ay sosobra ako ng hakbang
At titilapon palayo sa tawiran?
O baka naman makakalimot sa pag-preno ang drayber ng sasakyan
At ang mga bubog ng salamin ay aking matitikman?
Pwede ring ang hangin ko ay magkulang
At huli na kapag ang bintana'y binuksan?
O ang gamot ko'y sinadyang iwanan?
Siguro, wala ng mga kamay na kaya akong pigilan
At tuluyan na nga akong mahuhulog sa ka-ilaliman?
Kilala niyo ba ang aking mahal?
Pakisabi naman sa kanya ako'y sabik na sa aming pagkikita.
Yayakapin ko siya nang mahigpit sabay halik sa labi,
At masaya akong sasama papunta sa pinangako niyang pahingahan.
Pakisabi naman na tama na ang mga muntikan,
At sana ako na'y kanyang tuluyan.