Ang musika ay ginawa hindi lang para sa tenga
Kundi para na rin sa ating kaluluwa.
Patuloy na umuugnay sa pamamagitan ng kanta,
Hango sa saliw ng mga nota at makabuluhang mga salita.
Ang mga tunog na tila’y tumutunton sa hibla ng ating pakiramdam,
Na sa bawat kumpas ng panderetas ay umuulyaw ang sigaw ng katotohanan.
Tanging mga huni ng nakaraan ang dadaloy sa bawat piraso
Nang matalinhagang mensahe ng musikang Pilipino;
At didinggin ng mga tunog ng ngayon
Ang kabihasnan ng tugtugin noon.
Ngunit ano itong umiiral na kalapastanganan,
Mga orihinal na kantang nanakawan
Ng mga natatanging liriko, paggalang at karapatan.
Naibenta bilang palamuti sa industriyang komersyo
At mensahe nito’y napalitan ng malagkit na panloloko.
Baduy! Bastos! Basura!
Ganyan nila inilarawan ang mga dati’y pinagpipitagang kanta.
Lubos ang panghihimok upang produkto nila’y maibenta
Ngunit tanging panghihimutok ang dulot ng kanilang tugtuging walang kwenta.
Ganito ba uunlad ang musikong pinoy?
Muling gagamitin ang mga kanta, kahangalan ay itutuloy.
Pakinggan ang mahinang tunog nitong nananaghoy.
Utang na loob, tigilan niyo na ang pambababoy.
Uulitin ko mga iho’t iha:
Ang musika ay ginawa hindi lang para sa tenga,
Kundi para na rin sa ating kaluluwa.