Nakita ko, naramdaman ko ang pagtulos niya ng kaniyang kahabaan sa'kin. Iba't ibang anggulo at posisyon pero iisa ang sarap.
Nakita ko, naramdaman ko kung paano siya gumiling, kung paano niya himasin ang meztisa kong kabuuan. Kung paano niya, iatras at iabante. Kung paano siya lumabas at pumasok, kung paano siya humugot at bumaon. Paulit-ulit na siklo pero iisa ang sarap.
Nakita ko, naramdaman ko ang pagdating namin sa rurok. Sa panahon na ito'y isa kaming manlalakbay na nakaabot sa ika-pitong langit. Minsan ay isa kaming marino at sinisisid ang kaluluwa ng isa't isa. Minsan kami ang dilim at mga bituin na palaging nagkakayakap sa gabi. Iba't ibang panahon pero iisa ang sarap.
Nakita ko, naramdaman ko kung paano pumuslit ang masaganang itim na katas. Oo, nakatalik ko na ang pluma. Sa akin nila inilalalabas lahat ng emosyon, sinusulat ang mga reaksyon at doon nagsisimula ang romansa. Nakagawa na kami ng akdang nakapagbago sa mundo. Kami ang may gawa ng mga kaalamang nakalimbag. Anak namin ang abakada.
Hindi ako nahihiya, malamang isa akong magdalena, iba't ibang pluma na ang bumaybay sa aking kalaparan. May mga plumang sanay sa balbal na mga salita, may mga plumang nagpapanggap na edukado, mayroong elitista. Iba't iba ang estilo pero iisa ang sarap.