Launchorasince 2014
← Stories

"Okay lang"

Inaaya ako ni Archie noon na sumama na sa libreng psychiatrist sa UST. Pabalang ko pa ngang sinabi na ayoko. Hinila niya 'yung kamay ko tapos sinabi niyang ayaw ko bang mabawasan 'yung mga sugat sa palapulsuhan ko.

Sinabi ko pa ring ayoko pero buong araw bumabagabag sa'kin kung bakit ba ako tumatanggi sa pagpapagamot.

Bakit ba kasi ako magpapagamot? Sakit ba 'to? Saka tama na 'no. Ang tagal ko nang paulit-ulit na ikinikwento 'yung istorya ko tapos pagdating ko roon ikikwento ko na naman. Sawa na ako.

Malamang itatanong niya kung kumusta ako at siyempre sasagutin ko ng okay lang ako. Matik na 'yung lumalabas sa bibig ko tuwing may nangungumusta sa'kin. Nasanay ata akong magpanggap o napagod na akong maging totoo?

Tila may sagot na ako kahit hindi pa man ako tinatanong.

"Kumust--"

"Okay lang."

Mga ganyan.

Saka ayoko 'no, gagamutin 'yung kalungkutan ko, e, ito na nga lang ang ebidensyang buhay ako.