Ang taglay mong kagandahan ay isang biyaya
ngunit isa ring sumpa.
Ang iyong perpektong mukha'y inukit ng isang bathala,
kaya nitong pantayan ang liwanag na taglay ng mga tala.
Ika'y tila isang anghel na hinayaang mamuhay sa lupa
upang ang mabagsik na liyon ay mapaamo tulad ng isang tupa.
Ang iyong nakakaakit na ganda,
ay ang tugma sa bawat tula ng isang makata.
Ito ay ang nakakabighaning himig
ng namumutawing pag-ibig.
Ngunit...
Sa likod ng iyong magandang ngiti,
ay ang sikretong di maibigkas ng iyong labi.
Ang iyong mapupungay na mga mata
ay binabalot ng poot at pagtataka.
Ang iyong dati'y mala porselanang balat,
ngayo'y pinuno ng lapnos at pilat.
Ang iyong tinig na kayang pasayawin kahit ang mga puno,
ngayo'y garalgal at paos na sa kasisigaw at pagsusumamo.
Ang bawat sulok at kurba ng iyong katawan,
ngayo'y isinisimbolo na ang sinapit na karahasan.
Ang iyong bisig na laging laman ng simbahan,
ay pagal na sa kadarasal na sanay malimutan ang gabing nangyari ang 'di inaasahan.
Ngayon ang katahimikang dala ng gabing malamig,
at ang dilim na hatid ng gabing dati'y iyong inibig
ay tila nagpapasariwa sa sugat na iniwan ng ala-alang,
ang iyong pakababae'y minsang na ring nilapastangan at 'di ginalang.
"Ang maranasan ito ba'y ang tinutukoy mong sumpa na kaakibat ng sa aki'y biyaya?"
- //ir.c