Launchorasince 2014
← Stories

Para sa aking Mahal

Isinulat ko ang liham na ito sa Filipino. Gusto ko kasing malaman kung mauunawaan mo na ako sa pagkakataong ito (in terms of language).

Mahal,

Gusto kong magpasalamat sa nagdaang taon. Nakasama kita sa lungkot at saya. Gusto ko ring magpasalamat dahil bumalik ka. Gaya nga ng sabi ko sa'yo, hindi ganito ang relasyon na pinangarap ko. Masyado kasi akong ideyalistiko. Itinatala ko lahat kahit maliliit na detalye.

Noong naisip kong mawawala ka, sinubukan kong baguhin ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Sinubukan kong alamin ang pakiramdam ng malayang pagmamahal. Maiisip mo siguro na ang korni ko pero dahil liham ito ng pagtatapat, sasabihin ko pa rin ito.

Dumating ka sa panahong hindi ko inaasahan. Hindi ko alam na ikaw na pala yung gusto ko kaya pinili kong pakawalan ka muna. Inisip ko na baka hindi naman talaga ikaw ang para sa akin. Kaya noong bumalik ka, tinanggap ulit kita.

Noong pagkakataong iyon, sinubukan ko pa ring balewalain lahat ng nararamdaman ko. Gusto kong maging kaibigan lang kita kasi alam kong hindi ka mawawala kapag nilagyan ko ng limitasyon ang lahat. Naisip ko rin na baka magbago rin ang isip mo. Maiisip mo siguro na makasarili ako pero ayaw ko lang na masaktan tayong dalawa. Sa totoo lang, napasaya mo ako noong sabihin mong okey lang na maging magkaibigan lang tayo. Ang sarap sa pakiramdam kaya lang, may takot sa puso ko. Para itong multong nagpapakita araw-araw. Alam mo ba kung ano iyon? — Ang takot na mawala ka.

Sa una pa lang naman, ito na ang takot ko. Nalungkot ako noong pinili mong umalis. Inisip ko kung saan ako nagkulang pero hindi ko talaga alam. Naghintay ako. Araw, linggo, at mga buwan ang lumipas hanggang sa bumalik ka.

Naalala mo pa ba ang araw na iyon? Gusto kitang saktan pero alam kong nasaktan din kita ng hindi ko sinasadya. Doon ko naisip na mahal na pala kita. Salamat dahil bumalik ka.

Salamat sa tatlong buwan at sa pangako mong habang buhay, mahal. Nagtitiwala ako sa'yo. Hihintayin kita. Mahal na mahal kita.

Hanggang dito na lamang ang liham na ito pero pangako marami pang kasunod.

Nagmamahal,
Annie

P. S.
Pinili kong isulat ito sa pagtatapos ng taon. Salamat dahil naging bahagi ka nito.