Ni: Jademark Nadate
“Sa hirap ng buhay ay kailangan mong kumayod at magsikap, hindi lang para kumita ng pera kundi para rin maiahon ang estado ng buhay mayroon ka. Hindi ka maaaring tumigil dahil ang kahihinatnan ng iyong kapalaran ay nasa sa’yo--” wika ng aking mga magulang na tandang-tanda ko pa unang beses kong makaranas ng mababang grado.
Hindi natin maikukubli na habang umuunlad at nagiging moderno ang ating lipunan, ay nag-iiba rin ang ugali ng ating mga kabataan. Kabataang makatutulong para maiangat ang estado ng bawat isa. Kabataang magsisilbing pundasyon para sa mga susunod pang henerasyon. Pero ngayon?
Hindi ko man matantiya pero marami sa mga kabataan ngayon ay ipinagsasawalang-bahala nalang ang kanilang pag-aaral. Pansin ito sa mga estudyanteng hindi pumapasok pero naka-uniporme. Iilan pa nga’y madadatnan mo sa loob ng mga computer shops na naglalaro ng mga computer games. Iba nama’y nakatambay sa kani-kanilang paboritong tambayan. Mas madalas pa nga kaysa sa loob ng klase. Kaya kung susukatin ay mas marami pa silang alam sa computer games kumpara sa mga leksiyon nila sa klase.
Paano na ang iniwang wika ng ating pambansang bayani? “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” Hindi na maituturing na pag-asa ng bayan kundi mga paasa na? Imbes na notebook ang hawak, tutok kapi-peysbuk. Mas marami pa ngang komento sa post kaysa sa pagsagot sa recitation sa klase. Paano nga ba nila natitiis na habang ang kanilang mga magulang ay ginagawa nang gabi ang araw at ang arw ay gabi, sila nama’y walang pakialam? Pagkauw pa’y hindi man lang nagmamano sa mga nakakatanda sa bahay. Pagkatapos ay uupo nalang habang hawak-hawak ang cellphone habang ang kanilang mga magulang ay nagpapakapagod sa paggawa ng mga gawaing-bahay?
Mga kapwa ko mag-aaral, isipin sana natin ang ating mga pangarap sa buhay. Pangarap na nagsisilbing daan at gabay para makamit natin ang rurok ng tagumpay. Maituturing mang isang libong katotohanan ang katumbas ng isang pangarap, ito parin ang ating magaging puhunan sa kinabukasan. Kahit na gaano pa ito kalaki o kaliit, kung naniniwala ka talaga, mangyayari at mangyayari.