Maraming mga bagay na hindi mo inaasahang mangyayari sa buhay mo. Katulad ngayon, naistak at naipit tayong dalawa sa trapik. Ika-154 na taon pa naman ni Andres Bonifacio. Bonifacio day tapos ang ganito pa. Akalain ko ba naman na trapik pala ang aabutin ko sa EDSA? Kung hindi ko lamang sana sinunod ang ruta natin edi sana, mas maayos ang kalalagyan natin.
Hindi ko alam kung anong posible kong naiwasan kung lumihis lang sana ako ng ruta o kaya naman ay nag-iba ako ng pwesto ng makasakay kita. Kung naiwasan ba nating dalawa ang trapik, magbabago ba ang lahat? Kung naiwasan kayang mapatitig sa iyo ng matagal ng mga mata ko, ano kaya ang posibleng nangyari?
Nakapapaso ang init ng araw sa labas ng bus pero ang pakiramdam sa loob ng sasakyang ang pwesto ay ilang pulgada lamang ang layo mula sa iyo ay katulad ng pakiramdam ng tubig sa loob ng freezer, nangingilabot sa ginaw.
Sa buong byahe, inililibot ko ang aking mga mata sa mga tanawin. Hindi man ako naging malaya sa pagtingin-tingin gaya ng ginagawa mo’y na-enjoy ko pa rin ang paligid kasi kalapit ko ang pinakamagandang tanawing nasaksihan ko.
Katulad ng isang coffee painting na obra maestra ng isang sikat na pintor, may madilim na kabukiran ang buong taniman. Sa labas nito ay isang ilog na inaagusan ng gatas. Perpektong-perpekto ang pagkakaguhit ng mga talahib. Ang nasa pagitan ng madamong kagubatang ito ay isang bundok na pagkatayog-tayog na ninanais kong maarok ngunit mukhang hindi kakayanin kaya ninais ko na lamang dumapo sa mapupulang balat ng mansanas na kasing tamis ng pusong nagmamahal.
Hindi mo napansin kaagad ang pagtitig ko na tila minememorya ang bawat paghinga mo. Halatang mas napupukaw ang pansin mo ng magagandang tanawing ating nakikita sa kaparangan sa labas ng syudad. Hindi kita masisisi. Mas magaganda ang mga bagay na naririto kaysa sa taong ilang pulgada lamang ang layo sa iyo.
Ilang milya o ilang sentimetro man ang layo nating dalawa ay pareho lamang. Tama sila, hanggang nakatalikod ka sa akin, kailangan mo pa ring ikutin ang buong mundo upang matingnan mo ako ng direkta sa mga matang matagal ng nagsusumamo ng iyong pagsuyo.
Dumaan na ang ilang milagro, mga unos o bagyo ngunit hindi pa rin nauubos ang paghangang inihahandog ko sa’yo.
Ang traffic sa syudad ay katulad ng pag-ibig kong hindi nasuklian.
Anumang pagsisikap ko, ikaw pa rin ay lumisan.
Hindi nagpahalaga’t itinuon ang pansin sa iba.
Habang ako’y naghihintay lamang at napagod ng mag-isa.
Kung naiwasan ko lang sanang matitigan ka habang nasa byahe tayo, tiyak na nandyan pa rin ako sa iyong tabi. Nababaliw. Umaasa. Naghihintay sa iyong pagsuyong kailanman ay napakatamlay. Kung hindi tayo dumaan sa EDSA, baka sakaling nahintay pa kita kahit huli ka na.
Sa pag-usad ng trapiko, kasabay nito ang puso kong nag-mu-move on. Sa pag-andar ng makina ng sasakyan natin ay natanto ko ang mga bagay na pinakakawalan ko habang hinahawakan kita ng mahigpit. Hinahawakan kita ngunit hindi mo ako pinahahalagahan. Tinatangnan kita ng mahigpit ngunit itinutulak mo ako na parang ako’y pagkakataong walang hanggan.
Natanto kong hindi pala ikaw ang mahal ko at dahil iyon sa trapiko sa EDSA. Dahil sa trapik, nakapag-isip ako at naisip ko na hindi ka pala kawalan sa akin. Kung kawalan ka ma’y maliit na bagay lang kumpara sa kanya na lubhang ikalulumo ng aking kaluluwa.
Pinilit kong subukin ang aking kakayahang manghikayat ngunit hindi umubra ng ako’y balewalain mo pa rin. Sinubukan ko pero balewala pa rin kaya hanggang sa matapos ang byahe, sa bintana ka pa rin nakadungaw at nang makababa na ako ng sasakyan ay saka mo lamang inikot ang buong mundo at ibinaling sa isang pobreng gaya ko ang iyong pansin.
‘Paalam, mahal ko.’ Ang tangi kong nasambit ng makababa na ako. Sa lugar na panatag at malayo sa iyo. Sana'y maging masaya ka ng piliin mong bumaling sa iba dahil ako’y nasa kanlungan na nang iba. Isa na nagpakita ng pagmamahal at pagpapahalaga. Isa na nagbukas ng pinto para makalabas ako sa mundo mo. Isa na hindi ikaw. Isa na malayo sa paasang gaya mo.
Pagod na ako. Sa kanya na ako, patawad. Paalam, minahal kita ngunit pinabayaan mong lumamig ang pag-ibig ko.
Salamat sa hindi ko pagsunod sa rutang patungo sa destinasyon nating dalawa dahil roon, nahanap ko siya.