Launchorasince 2014
← Stories

Tuwing umuulan


  Distorted na mga imahe mula sa salaming pader. Madulas ang kalsada. May lumuluha na naman.

  Sabay sa pag-iyak ng langit ay ang nagngangalit na hangin, at ang kulog at kidlat. Galit at may lumuluha na naman.

  Malamig sa labas. Nagpapasalamat ako sa kapeng nagpapa-init sa mga palad ko. Inisip ko na kamay mo ang hawak ko imbes na ang tainga ng tasa ... Pero hindi!

   Humigop ako ng isa, dal-- tatlong lagok. Dinamdam ko ang init na dumaloy sa lalamunan ko at humalo sa aking sikmura. Inisip ko na ikaw dapat ang nagpapa-init sa'kin hindi itong inumin ... Pero hindi!

   Muli akong lumingon sa labas. Natigilan ang pagdaloy ng likido sa lalamunan at tila ba naging matatalas na yelo itong tumusok sa'king sikmura paakyat sa puso.

  Lumamig ang tasa ng kapeng hawak.

  Nakita kita sa kabilang kalsada. Lalong lumakas ang ulan at ang pagbayo ng hangin.

   May lumuluha na naman.