Launchorasince 2014
← Stories

User Not Found

Dahan-dahang iniangat ni Russel ang xray generator. Isang normal na araw at tapos na siya sa pangalawa niyang pasyente.

"Pakihintay na lang po ang results at xray film sa waiting area. Salamat po," Sabi niya.

Nilingon ng malamlam niyang mga mata ang orasan at nakitang magta-tanghalian na. Lumabas muna siya ng office at pumunta sa pantry para kumain.

Sa loob ay nakita niya ang kaibigang si Tristan. Pumasok siya at umorder agad ng tapsilog.

"Uy, P're, balita ko --"

"'Wag muna ngayon, P're."

Nahalata naman ng kaibigan niya na wala siya sa mood makipag-biruan.

"Anong nangyari?"

Kahit nag-aalangan, ikinwento pa rin ni Russel ang nangyari.

"Sus, babae lang pala. Saka, Russel, ano ba?! That's 6 months ago. Ni hindi mo siya kilala," sabi ni Tristan.

"Ewan ko ba, para kasing iba 'yung pakiramdam ko sa kaniya."

Naalala niya noong gabing nakausap niya si Sheila, ilang linggo pa lang ang nakakalipas nang maghiwalay siya ng kaniyang nobya -- Si Kyla. Walang third party, walang selosang naganap, walang away, parang they fell out of love ang drama nila. Sa tingin niya ay ito na ang pinakamabuting break-up, walang naging problema, nawalan na lang talaga ng gana.

Aminado siyang swerte na siya kay Kyla. Kung ibang lalaki ang makakakuha sa kaniya, tiyak na hindi na siya pakakawalan. Tama lang ang ganda ni Kyla, hindi nakakatawag ng atensyon. Tipong makikita mo na lang 'pag napagmasdan mo siya.

Hinayaan niya si Kyla na umalis, wala na rin siyang sigla sa relasyon nila pero kahit papaano'y masakit pa rin para sa damdamin niya. Sa apat na taon nilang pagsasama ay nasanay na siyang kasama ang nobya sa lahat.

Bumalik lang ang sigla niya dahil sa babaeng kausap niya ng gabing iyon.

Si Sheila.

Kaso, naguluhan; paano kung bumalik si Kyla? Paano kung humingi ulit siya ng second chance? Posible bang ma-attach agad siya kay Sheila?

Pakiramdam niya ay siya na ang pinakatangang tao.

"Paano ka lalandi kung hindi mo man lang inalam ang buong pangalan," Sabi ng kaibigan.

"Hindi ako lumalandi, P're. Kinikilala ko siya. Gusto kong makilala siya."

"Gusto ka pa rin ba niyang makilala? Paano kung may boyfriend na pala 'yon ngayon o kahit dati pa?"

Hindi na nakasagot si Russel. Matagal na rin mula noong makausap niya ang babaeng 'yon at hindi rin siya makapaniwalang iniisip-isip pa rin niya si Sheila.

"Bakit hindi mo i-try kumilala ng iba? Do you know, Cecille? She's up for blind dates. Gusto mo sabihan ko siya?" Suhestyon ni Tristan.

"Bro, hindi ko ala--"

"Okay, sasabihan ko siya mamaya. P're, maging masaya ka naman."

Naiwan sa pantry si Russel, lunod sa mga "paano kung" niya.

Pero sana -- sana tulungan siya ng tadhanang mahanap ang babae. Alam naman ni Sheila ang pangalan nito. Sana! sana.

Alas-k'watro na nang mag-out si Russel. Dala ng pagod ay sumakay na lang siya ng Grab.

Tulala na naman. Nakatingin lang siya sa naghahalong kahel at bughaw na langit. Ganito rin kaya ang nakikita ni Sheila? Makikita rin kaya niya ang mga talang makikita ni Russel? O pareho silang nakatingin sa kalangitan pero magkaibang bituin ang hinahangaan?

"Babae, Sir?" biglang sabi ng driver nang mapansing tulala siya.

"Ay, opo. Nakilala ko sa omegle," Ilang na sagot ni Russel

"patay tayo diyan," birong sabat ng nagmamaneho.

"First name ko lang ang naibigay ko, e."

"Mahirap 'yang ganiyan. Ano ba buong pangalan mo?"

Napayuko si Russel. Ilang sandali lang ay ibinalik niya ang tingin sa papalubog na araw. Pinakawalan ang isang buntong hininga saka sumagot

"Russel Montives po."